Fajardo

Permit to carry firearms sa 4 na probinsya, suspendido

February 27, 2023 Zaida I. Delos Reyes 290 views

SINUSPINDE ng Philippine National Police (PNP) ang permit to carry firearms sa apat na probinsya sa bansa kabilang ang Lanao del Suro, Maguindanao, Nueva Vizcaya, at ibang bahagi ng Cotabato kasunod ng magkakahiwalay na pag-atake sa mga local government officials nitong mga nakalipas na Linggo.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, nasa heightened alert level na ang seguridad sa apat na lalawigan.

Sa record ng PNP, umaabot na sa sampung katao kabilang ang Vice Mayor ng Aparri, Cagayan ang nasawi sa serye ng kaharasan laban sa mga local officials.

Sinabi ni Fajardo na suspendido na ang permit to carry firearms outside of residence o PTCFOR sa Lanao del Sur, Maguindanao, at 63 barangays sa North Cotabato, gayundin sa Nueva Vizcaya.

“There [is] random security border control implemented, there are random security checks and checkpoints in those areas to ensure there will be no incident similar to these cases,” pahayag ni Fajardo.

Matatandaang noong Pebrero 19, napatay si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda, kabilang ang lima niyang kasama, sa ambush sa bayan ng Bagabag sa Nueva Vizcaya.

Dalawang araw bago ito, sa bayan ng Wao sa Lanao del Sur, inatake ng hindi pa nakikilalang suspek ang convoy ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr.

Sa nasabing pananambang noong February 17, napatay ang apat na aide ni Adiong, habang nagtamo naman ang gobernador ng tama ng bala.

Nito lamang Pebrero 22, sinabi ng mga pulis na nasaktan din si Mayor Ohto Caumbo Montawal ng bayan ng Datu Montawal sa Maguindanao sa tangkang pananambang sa Roxas Boulevard sa Pasay City.

Nilinaw ni Fajardo na sa kasalukuyan ay wala silang nakikitang koneksyon sa tatlong kaso ng pananambang.