Linis

Perhuwisyong baha

April 22, 2023 People's Tonight 264 views

DAHIL sa baha ay marami ang namamatay, kasama na ang mga bata, at nasisirang pampubliko at pribadong ari-arian hindi lang sa Metro Manila (MM) kundi sa buong bansa.

Sa totoo lang, napakaraming magsasaka ang luhaan pagkatapos ng isang malawakang pagbaha dahil sa pagkasira ng kanilang mga pananim, na malapit na nga nilang anihin.

Sa Pilipinas, kadalasan ay bumabaha sa mararaming mabababang lugar dahil sa pag-apaw ng mga baradong ilog, sapa, irrigation/drainage canal at iba pang daluyan ng tubig.

Paanong hindi mabilis umapaw ang mga ito eh punong-puno sila ng iba-ibang basura, lalong-lalo na ang mga naglalakihang plastik, na itinatapon ng taumbayan kung saan-saan.

Pagkatapos ng baha, wala na tayong ginawa kundi magturuan kung sino ang may kasalanan sa nangyayaring pagbaha sa maraming parte ng bansa sa panahon ng tag-ulan.

Bago pa dumating ang tag-ulan ay kailangan na tayong umaksyon. Hindi lang ang mga ahensya ng gobyerno, nasyonal at lokal, kundi pati na ang pribadong sektor.

Huwag nating kalimutan na maraming negosyo, kasama na ang mga maliliit na tindahan, ang napipilitang magsara kapag nagiging “malaking swimming pool” ang kanilang bayan.

Kaya ngayon pa lang ay dapat na nating linisin ang lahat ng daluyan ng tubig sa ating komunidad. Dapat pangunahan ng mga opisyal at kawani ng barangay ang paglilinis.

Pero talagang walang katapusan ang nararanasan nating kalbaryo tuwing may “brief but heavy downpour” kung mananatili tayong walang pakialam sa nangyayari sa paligid.

Huwag na tayong magtapon ng ating mga basura kung saan-saan kasi pupunta rin ang mga ito sa mga daluyan ng tubig.

AUTHOR PROFILE