Default Thumbnail

‘Perhuwisyo Bill’ for Senador Grace Poe

December 20, 2023 Allan L. Encarnacion 262 views

Allan EncarnacionNAGHAHANAP ako ng kongresman o senador na magsusulong ng panukalang pakikinabangan ng buong bayan kapag naging isang ganap na batas.

Kay Senador Grace Poe ko sana gustong mawagan para isulong niya ito dahil siya ang chairperson ng Senate Committee on Public Services, sana nga lang mabigyan niya ng pansin.

Ito iyong tatawagin kong “Perhuwisyo Bill” na ang magiging laman ay pagpapanagot sa mga utility services gaya ng tubig, kuryente, internet, cable tv kapag napuputol ang kanilang serbisyo habang buhay ang kontrata sa pagitan ng consumer at ng kompanya.

Sa madalas na pagkakataon, ang internet namin ay bigla na lamang nawawala ang koneksiyon kahit wala naman kaming utang kahit singko. Kailangan ko pang tawagan or mag-text sa platinum manager ko para mabigyan ng atensiyon ang problema.

Minsan, dalawa hanggang limang araw na walang wifi connection kaya kahit anong buwisit mo, wala ka namang magawa kung hindi maghintay dahil nasa ilalim ng kanilang “kapangyarihan.”

Ganoon din ang nangyayari madalas sa isang internet ko, now you see, now you don’t ang kanilang koneksiyon. Pero kapag dumating na ang monthly billing, hindi nagbago ang aming binabayaran. Pareho pa rin, walang bawas.

Hindi ba dapat, kung limang araw na walang serbisyo ang internet mo dapat ay bawas din ng limang araw ang billing? Hindi naman mahirap kuwentahin yun, Senador Grace. Karaniwang bayad ko ay P2,999 kada buwan. Kung lilitaw na isang daang piso kada araw ito, dapat less P500 ang billing. Dito papasok ang Perwisyo bill. Hindi lang ito dapat sa pagbawas ng billing, dapat may pananagutan sila sa perhuwisyong inabot mo sa kawalan ng koneksiyon ng kung ilang araw.

May mga lost business opportunities, mga failed transactions, delayed negotiations habang wala kang koneksiyon kaya dapat may incidental at Perhuwisyo damage. Bawas ng 5 days sa monthly billing at additional 5 days sa services for free.

Kahit sa other utilities ay aplikable rin dapat ang Perhuwisyo bill. Ang depensa nila, wala ka namang nakunsumong kuryente or tubig kahit nawala ang serbisyo ng limang araw.

Okay for the sake of argument tama iyon technically. Pero paano iyong pinsala na inabot namin habang wala kaming tubig at habang nangangapa kami sa dilim? Kailangan din managot ang mga utility companies kapag nawala ang serbisyo, lalo na kung glitches sa kanilang sistema ang dahilan.

Pero hindi naman ihahambalos sa kanila ang Perhuwisyo bill kapag force majeure or mga kalamidad na wala sa kontrol ng tao ang naging dahilan ng pagkaputol ng serbisyo.

[email protected]