Default Thumbnail

Perfect choice sa bagong ES at DOLE chief

May 24, 2022 Mario Fetalino Jr. 297 views

Mario FetalinoSWAK na swak si Atty. Vic Rodriguez sa pwesto bilang Executive Secretary ng uupong pangulo na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Bukod kasi sa magaling at matapang, kabisado ni Rodriguez ang galaw at isipan ni BBM dahil na rin sa kanilang pinagsamahan sa nakaraang halalan.

Obvious naman na ubod ng laki ang naging papel ni Rodriguez sa tinatamasang tagumpay ni BBM sa kasalukuyan.

Pero ‘wag na nating pag-usapan ang mga bagay na ‘yan. Ang mahalaga ay pogi at matikas ang ES ngayon ng Malakayanyang.

**

Ramdam ang lungkot sa Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa napipintong pamamaalam ng super bait at galing na si Secretary Silvestre Bello.

Sa kabila ng mabibigat na hamon na hinarap ng DOLE sa gitna ng pandemya, naging masaya pa rin ang mga empleyado at opisyal ng ahensiya dahil sa busilak na puso ni Manong Bebot.

Pinangunahan ng dating Justice Secretary ang mga matagumpay at mahahalagang programa ng DOLE tulad ng Tulong Pangkabuhayan para sa Disadvantaged/Displaced workers o TUPAD upang alalayan ang ating mga manggagawa na tinamaan ng COVID-19.

Ang liderato rin ni Manong Bebot ang may kagagawan ng mga hakbang para mapanatili ang ‘industrial peace’ sa ating bansa gayundin ang kaayusan sa DOLE.

Napakasuwerte ng papalit na DOLE secretary dahil uupo siya sa ahensiya nang walang problema.

**

Si dating Labor Secretary Bienvinido ‘Benny’ Laguesma ang papalit kay Manong Bebot.

Pinamunuan ni Laguesma ang DOLE nuong panahon ni dating pangulong Joseph Estrada.

Base sa aking nakalap na impormasyon, nagkasama pa si Bello at si Laguesma ng maikling panahon sa DOLE sa mga unang buwan ng administrasyon ni outgoing President Rodrigo Duterte.

Ibig sabihin, kilala na ni Laguesma ang mga iba pang opisyal ng DOLE na kanyang makakatulong para patakbuhin ng maayos ang naturang ahensiya.

Isang malaking sangay ng gobyerno ang DOLE na nangangalaga sa mahalagang sektor ng mga manggagawa. Nararapat lamang na isang heavyweight at team player tulad ni Laguesma ang maupong labor secretary.

**

Congratulations kay presumptive vice president Sara ‘Inday’ Duterte dahil ipinagkatiwala sa kanya ang mahalagang responsibilidad upang pangalagaan ang kinabukasan ng ating mga kabataan.

Hindi biro ang maging pinuno ng Department of Education pero naniniwala ako na maihahatid ni Inday ang tunay na serbisyo ng isa sa pinakamahalagang ahensiya ng gobyerno.

Sa kumpas ni Sara, baka tuluyan nang matuldukan ang problema sa kawalan ng mga paaralan sa maraming bahagi ng bansa.

Umaasa rin tayo na maitaas ng bagong kalihim ang kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan at mapalaki ang sweldo ng mga guro.

Bukod kay Sara, binabati rin natin sina Atty. Benhur Abalos, Jesus Crispin ‘Boying Remulla’, Arsenio Balisacan at Susan ‘Toots’ Ople bilang mga bagong hepe ng Metro Manila Development Authority, Justice Department, National Economic Development Authority at Department of Migrant Workers.

Nahaharap silang lahat sa malaking hamon ng pagsisilbi sa taumbayan ngunit naniniwala ako na kayang-kaya nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin sa bayan sa tulong ng pagkakaisa na patuloy na isinusulong ng bagong pamahalaan.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]

AUTHOR PROFILE