Pera-pera lang yan!
IYONG isang kompanya ng media, full coverage sila ngayon sa nangyaring oil spill sa Bataan.
Nakikisabay sila sa mga balitang malamang umabot sa Batangas ang katas ng langis.
Nagbabanta umano ito sa kabuhahayan ng mga mangingisda. Maapektuhan daw ang maraming mga fisherfolks na umaasa lang sa pangingisda.
May himig sila ngayon ng malasakit, parang makabayan at parang totoong nagmamahal sa mga mangingisda.
Kung ako ang titimbang sa kanilang pagmamalasakit na ipinapakita ngayon sa mga mangingisda at pagkabahala nila sa epekto sa marine life na dulot ng tagas ng langis sa karagatan, ang puwede kong sabihin lang sa kanila—ang plastic nyo!
Ako mismo ay personal na saksi kung paano pinatay ang story namin tungkol sa tumaob na oil tanker habang naglalayag sa karagatan ng Quezon province. Isa sa mga pinakamalaking oil spill iyon, mahigit 20 taon na siguro ang nakakalipas.
Daan-daang libong mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon ang sumisigaw ng tulong dahil nga wala na silang magiging hanapbuhay sanhi ng tumaob na barko na may kargang daan-daang libu-libong litro ng langis.
Alas tres pa lang ng madaling araw ay kinakasa na namin ang istorya para dito. Kinontak na ang lahat ng mga resource person mula sa gobyerno, mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon, mga grupo ng mga mangingisda at kasama na ang kinatawan ng kompanya ng langis na may-ari ng tumaob na barko para mabalanse ang balita.
Local businessman ang may-ari ng kompanya pero multi-national company ang may dala ng langis. Sa mga hindi nakakaalam sa sitwasyon ng newsroom, kapag sobrang laki ng pumutok na balita, parang operating room ng hospital ang makikita mong tagpo. Lahat natataranta, lahat kumikilos, lahat ng mga crew ay naka-dispatch at pati mga news manager ay maagang dumarating.
Iyong preparasyon namin sa madaling araw, nagsimula iyon a day before, meaning, kung halimbawang Lunes ng gabi tumaob ang barko, kami iyong mga first responder sa news department para sa early morning news. Breaking news iyon sa gabi kaya walang masyadong detalye iyon. Tapos na lahat ang early evening at late night news kaya morning news na ang makakasapo.
Wala pang online news noon at wala pang Facebook at lalong hindi pa nangyayari ang mga malakasang youtube news delivery.
More or less alam ay nyo na ang sitwasyon, pinapasok lahat ng mga kailangan sa news department ng alas tres ng madaling araw. Ako ang hahawak ng news na iyon kasi big story for morning news iyon at ang aking anchor ang isa sa pinakasikat and most credible sa buong bansa.
Pagkatapos ng aming mahabang preparasyon, bigla na lang may instruction na huwag ilabas ang oilnspill news. Parang naupos na kandila ang mga tao sa news room, lalo na ako dahil sa akin ang partikular na topic. Umuusok ang mga landline at pati ang aming mga cellphone dahil sa kahahanap ng tao sa kompanya na sasagot kung bakit ayaw ipalabas ang aming oil spill news.
Pagkatapos ng pakikipagtagisan at pakikipag-argumento sa importansiya kung bakit dapat naming ilabas ang news na iyon, ilang salita lang ang nagpaguho sa lahat ng aming katwiran—advertiser natin ang kompanya ng langis!
Boom!, sandaling naghari ang katahimikan, tumayo ang aking balahibo, nangingilid ang aking luha sa narinig ko!
Ganoon lang kasimple, kayang isakripisyo ang kapakanan ng lahat, kapakanan ng bayan, kapakanan ng katubigan at ang higit sa lahat, ang kapakanan ng mga mangingisdang magugutom para sa sariling interest, para sa kita sa advertisement.
Gusto kong magmura pero hindi ko magawa. Iniluha ko na lang iyon, nawalan na ako ng gana magmula noon. Alam ko na ang katotohan, pera lang lahat ang ating nakikita, walang malasakit, walang totoong pagmamahal sa bayan at mga mamamayan.
Kalungkot di po ba?