People’s Journal/Tonight editors, nakatanggap muli ng parangal
MULI na namang tumanggap ng parangal ang mga patnugot ng pahayagang tabloid na People’s Journal at People’s Tonight na nagmula naman sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa pangunguna ni P/BGen. Leo Francisco.
Nanguna sa mga tumanggap ng plaque of appreciation ang namayapang Editor-in Chief ng dalawang pahayagan na si Mr. Augusto “Gus” Villanueva, habang tumanggap din ng kaparehong parangal ang Managing Editor ng People’s Tonight na si Ms. Ma. Teresa “Tess” Lardizabal at Managing Editor ng People’s Journal na si Mr. Manuel “Manny” Ces.
Isinagawa ang pagkakaloob ng parangal sa mga patnugot ng Journal Group of Publication (PJI) sa tradisyunal na flag raising ceremony nito lamang araw ng Lunes sa harapan mismo ng MPD Headquarters sa Ermita, Manila kung saan naging panauhing pandangal at tagapagsalita si dating National Press Club (NPC) President at ngayon ay Senior Deputy Administrator ng National Irrigation Authority Mr. Benny Antiporda.
Hindi na nakapagtataka kung umani ng mga papuri at parangal sina Mr. Villanueva, Ms. Lardizabal at Mr. Ces dahil sa loob ng mahigit apat na dekada ng pamamayagpag ng naturang mga pahayagan, malaki ang kanilang naging ambag sa paglalahad sa publiko ng mga nagawa ng kapulisan, hindi lamang sa pagkakaloob nila ng serbisyo at proteksiyon sa mamamayan kundi gayundin ang mga inilunsad na proyekto at programang nakakatulong sa bawa’t komunidad na kanilang nasasakupan.
Ang kontribusyong naipagkakaloob ng mga patnugot ng People’s Journal at People’s Tonight sa mga programa at proyekto, hindi lamang ng MPD kundi ng iba pang distrito ng kapulisan, ang naging daan upang kilalanin ni P/BGen. Leo Francisco ang kanilang naging ambag sa pamamagitan ng pagkakaloob ng plake ng pagpapahalaga.
Kung tutuusin, iba talaga ang estilo ng pamumuno ni BGen. Francisco kaya’t hindi lamang ang kanyang mga opisyal at tauhan ang humanga, rumespeto at pumuri sa kanyang abilidad kundi maging ang mga miyembro ng tri-media na nakatalaga sa MPD pati na ang mga ordinaryong mamamayan ng lungsod na kanilang pinagsisilbihan.
Bukod nga pala sa tatlong patnugot ng dalawang pahayagan, tumanggap din ng parangal ang mga natatanging opisyal at miyembro ng MPD, kabilang na rito sina P/Col. Julius Anonuevo, P/Lt. Col. Joselito Savares, P/Maj. Liz Ann Sucgang, P/Maj. Aileen Yagono, P/Maj. Gil John Lobaton, P/CMSgt. Roderick Kabigting, P/MSgt. Raymond Pascua, P/SSgt. Jeffrey Herrera, P/SSgt. Edgardo Salvaloza, Jr., P/Corporals Daren Jay Rendoque, Princess Ramos, Burt Abad, Marvin Pineda, Lester Montero, Jose Edward Gomez, Pat. Stellar Mendoza and NUP Richard Cabundoc.
TURISMO SA BAGUIO CITY, BUHAY NA BUHAY
TILA bumalik sa dating ningning ang tinaguriang “Summer Capital of the Philippines” dahil muli na namang nabuhay ang industriya ng turismo sa malamig na siyudad ng Baguio City, hindi lamang dahil ibinaba na ng Inter-Agency Task Force sa Alert Level 1 ang lungsod kundi dahil sa mainit na panahong nararanasan sa maraming lugar sa bansa.
Hindi lamang mga banyaga kundi maging lokal na turista na nagmumula pa sa Metro Manila at iba pang karatig lalawigan ang dumadagsa sa naturang lungsod para magbakasyon at namnamin ang malamig na simoy ng hangin na nararanasan sa buong taon kahit pa sa panahon ng tag-init.
Ito ang dahilan kaya’t abalang-abala ngayon si Baguio City police chief P/Col. Glenn Lonogan at kanyang mga tauhan dahil sa inaasahang pagtaas ng antas ng kriminalidad sanhi ng pagsasamantala ng mga masasamang elemento ng lipunan sa mga dumarayo sa lungsod.
Pero sa kabila pala ng masigasig na pagbabantay ng mga tauhan ng kapulisan, nakakalusot pa rin ang ilang mapagsamantalang dumadayo sa lungsod na hindi pala pagliliwaliw at pagbabakasyon ang pakay kundi para maghanap-buhay kahit sa ilegal na paraan.
Ilan daw kasi sa mga ito na may mga alyas na Nestor, Arman, Jimmy at Marjie ang nagbukas ng larong bingo, drop ball at color games sa iba’t-ibang lugar tulad sa gusali ng Cating sa Hilltop at maging sa Magsaysay Avenue, sa mismong terminal ng mga jeep.
Ganito rin ang naging kostumbre nina alyas Oldak, Andy, Nestor at Balong nang maglagay din ng drop ball at color games sa Brgy. Otek Burnham Park sa harap pa mismo ng Rural Bank of Baguio, sa Malcola Square sa E. Jacinto St. at maging sa La Trinidad at bayan ng Mankayan.
Kung sabagay, hindi lang naman ang mataong lugar ng Baguio City ang tinatarget ng mga operator ng color games kundi maging sa lugar na pinamumunuan ni P/Col. Arnold Abad sa lalawigan ng Cavite tulad ng ginawa nina alyas Mitch, Marvin, Jun Luna at Ka Mely na pinuwestuhan ang Brgy Panaimitan sa Magdiwang Highway sa Kawit, Brgy. San Rafael sa Marseilla Highway at sa Bacao 1 sa Gen. Trias.
Lakas-loob ding nagpalaro ang isang alyas Emily sa Malagasang Greengate Homes at sa mismong Aguinaldo Highway sa gilid ng isang malaking department store sa Imus City.
Ugali na kasi ng maraming Pinoy ang makipagsapalarang sumugal sa mga game of chance kayat kahit saang lugar, may mga nagnanais maghanapbuhay ng ganitong uri ng pamamaraan.