Pekeng protocol plate No. 7?
MASYADONG mababaw ang pahayag ng LTO ukol sa Edsa busway incident na kinasasangkutan ng Escalade suv na may plakang No. 7 na nakalaan lamang para sa senador.
Hindi naman tayo mga taong walang sintido kumon para tanggapin ang sinabi ng LTO na peke ang plate number na ginamit. Hindi ko ma-imagine na nagmamaneho ka ng Escalade suv na ang halaga ay nasa humigit kumulang P12M tapos sa Recto mo lang ipinagawa ang iyong plate number 7.
Let’s call spade a spade, huwag nating bolahin ang mga mamamayan. Hindi makukuntento ang ating mga kababayan sa ganitong paliwanag ng LTO na impostor na senador o kamag-anak ng senador ang dumaan sa Edsa busway gamit ang luxury vehicle na plakang numero siyete.
23 senators lang yan na dating 24, hindi pa natin matutukoy kung sino sa kanila ang mapangahas na halos sagasaan pa ang lady traffic enforcer?
Halos araw-araw kaming nagtitiis na umuusad-usad pagong sa Edsa busway kahit maraming lumalabag na motorsiklo, mga luxury cars at mga ambulansiyang may sakay na pekeng pasyente.
Marami sa ating mga kababayan ang sumusunod sa ganitong polisiya tapos hahayaan lang nating makalusot ang may dala ng SUV na tiyak na konektado sa senador?
Mahirap iyong katwiran ng LTO na sigurado silang peke ang plate number 7 kasi raw wala namang inisyung protocol plate para sa Escalade. Kung ganyan tayo magsuma ng isyu para lang patayin ang apoy, aba’y malaki ang problema ng ating bansa.
Hindi naman isyu ito ng kung saan sasakyan ginamit or ikinabit ang plakang numero siyete. Alam kaya ng LTO na original man o peke ay puwedeng ikabit sa Volkswagen or sa kariton? Mas lalo tayong nag-iisip ng malisya na may mga pinagtatakpan sa usaping ito para maglabas ng ganitong paliwanag ang LTO.
Kung gusto nating mailantad ito, una ay tanungin natin sa mga senador kung sino sa kanila ang may Escalade na binili pa sa gray market dahil wala namang sa mga car store dito sa atin yan. Kung wala man sa 23 senador, hindi lalayo yan sa kanilang mga kamag-anak na tiyak may ganyang sasakyan.
At kapag wala pa yan sa mga kamag-anak, tiyak na yan sa mga malalapit na kaibigan. Kung gagawin lang talga ng LTO at ng MMDA ang dapat gawin, matutumbok nila yan. And by the way, kaya 23 na lang sila dahil nga nag-resign na si Senador Sonny Angara at naitalagang Deped Secretary.
Nanawagan tayo kay Senate President Chiz Escudero na huwag sumakay sa balat ng mani na pinadaan sa agos ng LTO dahil mas lalo nating hindi mareresolba ang kasong ito.
Maliit na bagay ang violation ng Escalade with plate number 7 pero ang gusto nating maputol dito ay ang culture of impunity na nangyayari dito sa ating bayan dahil sa impluwensiya ng iilan.