Gatchalian Sen. Sherwin Gatchalian

Pekeng Pilipino di dapat tumakbo

June 19, 2024 PS Jun M. Sarmiento 143 views

PEKENG Pilipino, hindi dapat makapwesto dahil ito ay hindi naaayon sa itinatadhana ng kasalukuyan Konstitusyon.

Ito ang ikinatuwiran ni Sen. Sherwin Gatchalian kung saan ay ipinunto niya na maliwanag na hindi maaaring makatakbo ang hindi Pilipino sang ayon sa kasalukuyan Saligang batas ng Pilipinas.

Ipinunto ni Gatchalian na mismong ang ahensiya ng pamahalaan partikular ang Board of Investment ang nagbigay ng dokumentong nagpapatunay na si Bamban Mayor Alice Guo ay posibleng si Guo Hua Ping base sa isinumiteng papeles nuong 2003 kasama ng kanyang pamilya, matapos silang mag apply ng Special Investor Resident Visa sa Pilipinas nuong 13-years old pa lamang ito.

Inamin ni Gatchalian na ang ganitong modus na late registration ang siyang pinagsasamantalahan ng ilan sa mga dayuhan upang magkaroon ng karapatan at mga pribilehiyo tulad ng pagbili ng mga lupain at ngayon nga ay tumatakbo pa sa isang lokal na posisyon.

Sinabi ni Gatchalian na sa kanyang pagkakaalam, marami ng lupain ang nabili ni Mayor Guo sa ating bansa gamit ang kanyang diumanoy pagiging Pilipino na taliwas naman aniya sa dokumento na nakalap mula sa Board of Investment.

Ipinaliwanag pa rin ni Gatchalian na ang ganitong gawain ay maliwanag na isang palusot at pang iisa. Aniya ang ganitong istilo ay dapat na bantayan ng gobyerno at busisiin ang pag a apruba ng mga aplikante sa late birth registration upang hindi na muli makalusot ang ganitong uri umano ng panlilinlang.

Bubusiin din aniya nila ang iba pang mga dokumento kaugnay ng pagkatao ni Mayora at nais din nilang ipatawag ang mga sangay ng gobyerno para marinig ang katotohanan sa mga dokumento nakalap laban kay Mayor Guo sa mga susunod na pagdinig.