Pekeng pasahero tinakas motor ng Joyride rider, huli
NAARESTO kamakailan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagpanggap na pasahero na tumangay sa motorsiklo ng JoyRide rider noong Hunyo sa Quezon City.
Ayon kay QCPD Director, P/BGen. Redrico A. Maranan, ang Yamaha Mio Gear motorcycle na tinangay mula sa rider ng JoyRide narekober ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU), sa pamumuno ni P/Lt. Col. Hector Ortencio, at naaresto ang suspek na si Oliver Mercado, 38.
Sa ulat, alas-7:20 ng gabi noong Hunyo 21, 2024, sinundo ng JoyRide rider ang suspek na nagpanggap na pasahero sa Aurora Blvd., Cubao, Quezon City.
Nagpahatid ang suspek sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) pero pagsapit sa Flying V gas station sa Aurora Blvd., Cubao, nakiusap umano ang pasahero sa rider na ibili siya ng sigarilyo sa kalapit na tindahan dahil nahihirapan daw siya maglakad.
Sumunod naman ang rider pero nang makalayo pinaandar ng suspek ang motor at itinakas.
Nagsumbong ang biktima sa Cubao Police Station (PS-7) at noong Setyembre 4, nahanap at narekober ng mga tauhan ng DACU ang nakaw na motorsiklo sa Sitio Tanglaw, Cogeo Padilla, Antipolo City at naaresto ang suspek.
Nabatid na ang suspek dati ng nakulong sa DACU dahil sa carnapping.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-Carnapping Law of 2016 laban sa suspek.