Guiagui PEKENG MTPB ARESTADO – INIHARAP ni PLt. Col. John Guiagui, commander ng Manila Police District Station 3, ang nahuling pekeng MTPB at carnapper na sina Dodgie Garcia at isang Joepard, matapos na maaresto ng mga operatiba sa magkahiwalay na anti-criminality operation sa Sta. Cruz, Manila. Kuha ni JON-JON Reyes

Pekeng MTPB, carnapper nahuli

December 3, 2021 Francis Naguit 373 views

Arestado ang isang lalaki na nagpapanggap na tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos mabuking sa kanyang modus sa Maynila

Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 3 commander P/Lt. Col. John Guiagui, 7:45 ng umaga ng Biyernes nang maaresto ang suspek sa bahagi ng Blumentritt at P. Guevarra Streets, Sta. Cruz, Manila habang nagbebenta ng mga stickers ng MTPB at ng Manila City Hall.

Nabatid na halagang P200 ang presyo ng nasabing mga stickers na iniaalok ng suspek na si Dodgie Garcia, 52, residente sa 753 Int. 27, Raxabago St., Tondo, Manila sa mga truck at tricycle drivers.

Ayon pa kay Guiagui, market strategy ng suspek sa mga nabentahan nito ng stickers na hindi sila mahuhuli basta may stickers ang kanilang sasakyan subalit hindi pa rin nakakaligtas sa huli ang mga ito.

Napag-alaman pa na ang suspek ay dating tauhan ng MTPB ngunit tinanggal sa trabaho dahil din sa kanyang modus na pag-aareglo ng mga naiimpound na mga sasakyan na ginagawang pagkaperahan.

Katuwiran naman ng suspek, kinukuha nito ang sticker sa Recto ng halagang P50 at binibenta ng P200 kada isang piraso.

Nagbabala naman si Guiagui na ugaliing sumunod lagi sa Batas Trapiko upang walang magiging problema, at sa iba pang mga nabiktima ng suspek na magtungo lamang sa kanilang himpilan upang personal na ireklamo ang nahuling pekeng MTPB.

Samantala, isa namang carnapper ang nahuli din ng mga operatiba ng MPD Station 3 na nakilalang si Jeoparde na nangarnap ng isang Honda Click sa Bgy. 307 sa kahabaan ng Quezon Blvd. sa Raon St., Sta Cruz, Manila.

Kamakailan ay nakahuli din ang Blumentritt PCP-MPD Station 3, sa pamumuno naman ni P/Capt. Ferdie Cayabyab, ng isang rider ng Food Panda na nagdedeliver ng ipinagbabawal na gamot sa Felix Huertas, Sta Cruz, Manila. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE