FDA Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko na huwag gumamit ng mga maninipis at madaling masira na face mask, panatilihing maghugas ng kamay, laging ipairal ang social distancing at sumunod sa mga health protocol upang maiwasang dapuan ng Delta variant. Kuha ni JON-JON REYES

Pekeng face mask nagkalat sa bansa, online selling

September 18, 2021 Francis Naguit 341 views

NANAWAGAN ang ilang negosyante sa publiko na huwag bumili at gumamit ng pekeng face mask dahil maaaring malagay sa peligro o panganib ang kanilang kalusugan lalo na ngayong mabilis ang pagkakahawaan dulot ng COVID-19 Delta variant.

Ayon sa isang negosyante ibinebenta umano ang pekeng face mask hindi lamang sa Metro Manila kundi sa sa mga online selling sa bansa.

Aniya, ang mga lehitimo at may wastong kalidad na face mask ay nagtataglay ng makapal na uri ng materyales o tatlong ply habang ang mga peke ay isa hanggang dalawang ply lamang at madali pang mabaklas ang tali.

Karamihan aniya sa mga pekeng face mask ay inangkat sa China at naibebenta sa Pilipinas sa murang halaga. Aniya, hindi pinahihintulutan ng pamahalaan ng China na ipagamit sa kanilang mamamayan ang mahinang kalidad ng face mask kaya dito sa ating bansa ibinabagsak at naibebenta sa merkado ng murang halaga.

Dahil dito, tinatawagan ng pansin ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) upang magsagawa ng imbentaryo sa mga ibinebentang pekeng face mask.

Bukod dito, dapat din aniya magsagawa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng dobleng inspection upang alamin kung nagbabayad ba ng tamang buwis ang mga nagbebenta ng pekeng face mask at higit sa lahat, ang Bureau of Customs (BoC) ay maghigpit sa kanilang pagbabantay upang hindi makapasok sa bansa ang mga pekeng produkto, lalu na ang face mask. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON C. REYES

AUTHOR PROFILE