Peke ang Code of Kalantiaw

December 10, 2022 Magi Gunigundo 121 views

Magi GunigundoSINABI ni Edward Hallett Carr , “Study the historian before you begin to study the facts.” At ito nga ang ginawa ni William Henry Scott noon 1968 sa kanyang disertasyon sa pagiging doktor ng kasaysayan sa UST. Sa harap ng isang lupon na kinabibilangan nila Gregorio Zaide, Teodoro Agoncillo, Horacio dela Costa,Marcelino Foronda, Mercedes Grau Santamaria, at Nicolas Zafra, pinatunayan ni Scott na kathang isip lamang ang Code of Kalantiaw sapagkat gawa-gawa lamang ang mga dokumentong pinagbatayan ni Jose Marco noon 1914. Tinuro ni Scott ang mga maling petsa na hindi tugma sa kasaysayan ng mundo at kung gaano katawa- tawa ang parusa sa 18 krimen na nakapaloob sa kodigo. Peke ang Code of Kalantiaw. Walang sino man sa lupon ng mga bantog na historyador ang tumutol o di kaya ay nagtanong, at pinagkalooban ng UST si Scott ng kanyang doctorate.

Sa kabila ng kasinungalingan ni Jose Marco, marami pa rin ang naniwalang mayroon Code of Kalantiaw, marahil dahil mahirap burahin ang natutunan nila sa mga librong ginamit sa paaralan. Wala pang Internet noon kaya mabagal ang pagkalat ng balita na nabudol ang sambayanan.

Noon Marso 1, 1971, nilabas ng Pangulong F.E. Marcos ang Executive Order No. 294 na nagtatag ng “Order of Kalantiaw”, isang parangal “para sa mga nagreretirong Mahistrado na nagserbisyo sa bansa sa larangan ng batas at hustisya”. Itinigil ang parangal na ito noon lamang 2005 pagkaraan aprubahan ng Pangulo Gloria Macapagal Arroyo ang National Historical Institute (NHI) Resolution No. 12 ng 2004, na nagdeklara na ang Kodigo ni Kalantiao/Kalantiaw ay walang wastong batayan sa kasaysayan at isang ika-20 siglong mapanlinlang na gawain ni Jose Marco. Isinantabi rin ang mga dating kautusan na tinatanghal si Kalantiaw. Pinawalang-bisa rin ang Executive Order 234, na nagdeklara sa munisipalidad ng Batan, Lalawigan ng Aklan bilang isang pambansang dambana ni Kalantiaw.

Si Gregorio F. Zaide, may-akda ng hindi mabilang na mga aklat-aralin sa kasaysayan, at isang miyembro ng mismong panel ng disertasyon na nagsuri sa thesis ni Scott noong 1968 ay tinaguyod pa rin ang kasinungalingan at dinagdagan pa niya ng kanyang sariling mga detalye sa mga aklat tulad ng Heroes of Philippine History (1970), Pageant of Philippine History (1979), History of the Republic of the Philippines (1983), Philippine History (1984), at sa mga re-isyu ng kanyang mas lumang sinulat. Pagkatapos ng kamatayan ni Dr. Zaide noong 1986, binago ng kanyang anak na si Sonia M. Zaide, ang mga aklat na isinulat nilang mag-ama at inalis ang karamihan, ngunit hindi lahat, ng materyal batay sa mga panloloko ni Marco.

Kahit ang ginagalang na Dekano ng Kolehiyo ng Batas Raul Pangalangan ay nakuryente rin ni Marco ng binanggit niya sa kanyang presentasyon sa isang 2001 International conference na lahat ng sinaunang batas ng Pilipino ay nawala maliban sa Code of Kalantiaw. Nakuryente rin si Kinatawan Aurora Cerilles ng banggitin niya sa sesyon ng Kongreso noon 2008 na nilagdaan ang Code of Kalantiaw sa Panay.

Peke ang Code of Kalantiaw ngunit inabot pa ng halos 4 na dekada mula 1968 bago dineklara ng pamahalaan na naloko tayong lahat ni Jose Marco. Kahit dalubhasa sa larangan ng batas ay nagkakamali pa rin sa pagturing na totoo ang Code of Kalantiaw. Ang pinsalang tinamo ng ating kaisipan at ng sambayanan ay kay lawak at matagal pang panahon ang magdaraan bago maalis sa kaisipan ng Pilipino na peke ang Code of Kalantiaw. Hindi dapat magpabaya ang Dep Ed sa pagsala ng mga teksbuk sa Araling Panlipunan at mga guro ng asignaturang ito upang hindi na kailan man maipuslit pa ang kasinungalingang ito. Pagkatandaan ng mga mapanlinlang na trolls na nakikinabang sa paghahasik ng kasinungalingan na sa impiyerno ang punta ng mga sinungaling, ayon sa Revelation 21:8.

AUTHOR PROFILE