Pedicab

Pedicab driver nagtangkang mandukot sa 2 bebot, bugbog

February 19, 2025 Edd Reyes 203 views

BUGBOG sarado ang 49-anyos na pedicab driver nang tangkaing dukutin ang dalawang batang estudyante Martes ng tanghali sa Caloocan City.

Unang hinablot ng suspek na si alyas “Danilo”, residente ng 1706 Onyx St. San Andres, Manila, ang 10-taong gulang na lalaking estudyante ng Maypajo Elementary School bago mag-alas-12 ng tanghali subalit nakapiglas ang bata at nagtatakbong palayo para humingi ng tulong sa mga barangay tanod.

Sunod na hinablot ng suspek ang siyam na taong gulang na batang babae na nakatawag pansin na sa isa pang barangay tanod matapos magpipiglas ang bata. Ikinatuwiran ng suspek na anak niya ang bata subalit nang ikaila ito ng biktima, doon na siya pinalibutan ng mga kalalakihan at pinagtulungang bugbugin.

Umawat lamang ang mga tanod ng Brgy. 35 at binitbit ang suspek sa barangay hall bago siya ipinagamot at dinala sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Caloocan Police Station upang sampahan ng reklamong attempted kidnapping.

Sa pahayag naman ni Caloocan City Mayor Along Malapitan, isa lamang aniyang “isolated case” ang tangkang pagkidnap sa bata ng suspek na wala sa tamang pag-iisip mula nang iwan ng kanyang asawa at anak dahil sa pagkalulong sa droga.

“Asahan nyo po na patuloy tayong tutugon at titiyakin ang kaligtasan ng ating lungsod at ng mga Batang Kankaloo katuwang ng kapulisan, mga opisyales ng barangay, Public Safety and Traffic Management Department, at iba’t ibang sektor,” sabi ng alkalde.

AUTHOR PROFILE