Default Thumbnail

Pedicab driver hinataw sa ulo ng kadena, todas

December 15, 2021 Francis Naguit 270 views

HINDI na naisalba ng mga manggagamot ng Tondo Memorial Medical Center ang isang lalaki makaraang pagpapaluin ng kadenang may kandado sa Tondo, Manila.

Nakilala ang biktimang si Ricky Francisco, nasa hustong gulang at residente ng Bgy. 146 Zone 12, Tondo.

Ang suspek ay nakilalang si Dativo Bandol, nasa wastong edad at residente ng 2460 Malaya St., Balut, Tondo.

Batay sa ulat ni Det. Jero Santos na isinumite kay P/ Lt. Adonis Aguila , hepe ng Manila Police District – Homicide Section , bandang 9:30 a.m. nitong nakaraang Martes nang maganap ang krimen sa pilahan ng pedicab sa panulukan ng Moderna at Pinoy Sts. sa Brgy.146.

Salaysay ng testigong si Jorenmey Martirez, 38, pedicab driver, habang nakapila si Francisco sa nasabing lugar ay sumulpot ang suspek na armado ng kadenang bakal at pinagpapalo nito ang biktima sa ulo.

Matapos humandusay sa semento, narinig pa ng saksi na nagsabi ang suspek ng,”Akala mo nakalimutan ko na ha?” kasabay ng patalilis nito patungong Patria Rodriguez St sa Balut.

Duguan ang ulo ng biktima nang isugod sa naturang ospital , subalit nitong miyerkoles ng dakong 2:58 a.m. nang bawian ito ng buhay na idineklara ni Dr.Jeian Rabago

Gayunman , ang bangkay ni Francisco ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya habang patuloy na tinutugis si Bandol. Nina FRANCIS NAGUIT & JONJON REYES

AUTHOR PROFILE