Default Thumbnail

Pedicab driver binugbog, binaril sa ulo sa QC, dedo

October 27, 2021 Melnie Ragasa-limena 408 views

PINAGTULUNGANG bugbugin ng tatlong tricycle driver ang isang 37-anyos na pedicab driver bago binaril sa ulo sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Agad na nasawi ang biktima na nakilalang si Jayson Cruz, 37, may live-in partner, pedicab driver, at residente ng 7 Villareal St. Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Nadakip naman ang suspek na si Mark Angelo Diño, 32, binata, tricycle driver, ng Calderon St., Brgy. Sta lucia, Novaliches, habang tinutugis pa ang mga kasama niyang nakatakas na sina Joel Ilagan, at alias Jun Jun Directo.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas- 9 p.m. (October 26) nang maganap ang insidente sa San Luis St., kanto ng Villareal Brgy. Gulod, Novaliches.

Batay sa imbestigasyon ni Pat Nestor V Ariz Jr., sakay ang biktima sa kaniyang pedicab nang sumulpot sa daraanan niya ang mga suspek na pawang sakay ng tricycle na may plakang TY3981.

Nagsibabaan ang mga suspek sa tricycle at hinatak palabas ng pedicab ang biktima saka pinagtulungang bugbugin.

Hindi pa umano nakuntento ang mga suspek, at isa sa kanila ang bumunot ng baril at malapitang pinaputukan sa ulo ang nakabulagta nang biktima saka nagsitakas.

Sa follow-up operation ng mga operatiba ng Novaliches Police Station 4 na pinamunuan ni PSMS Reynaldo Mones, ay naaresto si Diño habang sakay ng tricycle na ginamit nilang get-away habang nagpapagasolina sa Sea Oil Gasoline sa Quirino Highway, sa lungsod.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang sa pedicab driver.