PDO nagpasaring sa MMDA, DPWH
NAGPASARING si Manila Parks and Development Office (PDO) Director Giovanni Evangelista sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagme-maintain pa ng mga lugar sa Maynila na ginagawa na ng mga tauhan ng PDO.
“Tayo ay nag-assign ng mga tao dito sa mga center island, sa mga side street ng Roxas Boulevard at Baywalk area, doon din po nag-assign ng tao ang MMDA, ang DPWH.
So, siguro po gusto nila, kung saan malinis, kung saan maganda, doon sila nakikisama na mag-maintain din ng malinis at magandang lugar,” pahayag ni Evangelista.
Binanggit ni Evangelista na bagama’t malaking hamon sa kanilang tanggapan ang matinding tagtuyot bunga ng El Nino, gumagawa sila ng kaparaanan upang mapanatiling maganda ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga halamang tumatagal at nabubuhay kahit hindi diligan araw-araw.
Ikinumpara rin niya ang mga center island sa Maynila sa mga center island sa Pasay, Caloocan at Quezon City na aniya’y hindi hamak na malinis at mas maganda dahil may sarili silang tauhan na nagmimintina at hindi umaasa sa national government.
Pinuri naman ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang PDO dahil sa kabila ng napakalimitadong espasyo na mapagtataniman ng mga halaman, napapanatili nilang puno pa rin ng pananim ang lungsod at maayos na napapangalagaan.
“Napakahirap pong i-maintain ang magandang ayos ng ating mga halaman pero dahil po sa pagsisikap ng ating PDO, lalung- lalo na po yung nasa field, yung nakikita po natin na nagtatanim, nagliinis ng ating mga center island, alam nyo minsan po kahit hindi na natin sakop tayo pa rin ang naglalagay ng mga halaman.
Kasi gusto po natin yung kakaunting espasyo na mayroon tayo ay punong puno ng mga halaman,” sabi pa ng alkalde.