PBBM sa DOJ, PNP: Pahayag ni DU30 sa Quad Comm suriin
INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na suriin at pag-aralan ang mga naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hearing ng Quad committee sa Kamara kaugnay sa kanyang war on drug campaign.
Sa ambush interview matapos ang pamamahagi ng ayuda sa Tagaytay City, sinabi ni Pangulong Marcos na hinihintay na lamang niya ang resulta ng finding ng PNP.
Ayon kay Pangulong Marcos, lahat ng testimonya ni Duterte na ibinigay sa Quad comm hearing nitong Miyerkules ay isasaalang-alang at susuriin sa legal na paraan kung tunay at kung ano ang kahihinatnan nito.
Maari rin aniyang mag resulta ang mga pahayag ng dating pangulo sa paghahain ng kaso laban sa kanya.
“It will be assessed to see in legal terms what is the real meaning and consequence of some of the statements made by PRRD. now that will result in a case being filed here,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos, lagi silang naka-monitor dito dahil ang mga katanungan tungkol sa extrajudicial killings o EJK ay hindi pa rin nasasagot kung sino ang mga responsable dito .
Maging ang mga magulang aniya na biktima ng EJK na dumalo sa Quad Comm hearing ay hanggang ngayon hindi pa rin nakakamit ang hustisya sa mga pumatay sa kanilang mga anak at mahal sa buhay.
Kaya giit ni Pangulong Marcos, responsibilidad na ng DOJ ang patuloy na mag- suri sa lahat ng mga pahayag, statements at testimonya at lalo na ng mga ebidensiya para magbigay katwiran sa paghahain ng kaso.