PBBM pinasalamatan ng mga taga-San Pedro
INULAN ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa pagsisikap nito na muling palaguin ang industriya ng sampaguita sa San Pedro, Laguna.
Ang mga taga San Pedro ay nabigyang inspirasyon sa mga tagumpay ng Pangulo sa unang taon nitong pamumuno .
Isa ang San Pedro sa mga progresibong lungsod na muling nagtagumpay sa paggamit ng indigenous products bilang livelihood projects.
Kabilang na rito ang sampaguita industry gayon din and mushroom growing, nutribun making, soap making, itik growing, salted egg at balut industry.
Inumpisahan ni Laguna 1st district Congresswoman Ann Matibag ang mga proyekto noong nagdaang taon na naglalayong bigyan ng mas maraming trabaho ang kanyang mga nasasakupan gayundin ng pagkakataong makapagnegosyo.
“Naobserbahan ko ang pagiging sinsero ng ating Pangulong Marcos para mapaunlad ang agrikultura. Bukod pa ang kanyang mga proyektong pabahay, pangkalusugan at pang-edukasyon,” ayon kay Matibag.
Umaasa ang kongresista na tulad ng Pangulo, matatamo rin niya ang tagumpay sa pagsusulong ng kanyang mga proyekto.
Noong Lunes, suot ang sampaguita-inspired dress, ipinagmalaki ni Matibag ang pambansang bulaklak sa kanyang pagdalo sa pangalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Marcos.
Nagpo-produce na ng mga halaman at bulaklak gaya ng sampaguita na ginagamit sa paggawa ng sabon, pabango, mga produktong pampaganda, deodorant at mga herbal na gamot simula pa noong 80s at 90s ang San Pedro.