PBBM: Pagkawala ng buhay sa kalamidad dapat di na maulit
NANGAKO si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palalakasin pa ang disaster risk reduction and response efforts ng pamahalaan dahil mas lumalakas pa ang mga tumatamang kalamidad sa bansa.
“Layunin natin na hindi na maulit ang pagkawala ng buhay dahil sa kalamidad. Totoo na mas matindi ang mga bagyo ngayon–mas malawak, mas malakas, mas mabilis ang pagbabago.
Kaya inuulit ko ang mga kautusan sa mga ahensya ng pamahalaan,” pahayag ni Pangulong Marcos sa talumpati sa harap ng mga biktima ng bagyong Kristine sa Talisay, Batangas.
Iniutos ni Pangulong Marcos sa Department of Science and Technology ma palakasin ang warning system at tiyakin na nabibigyan ng tamang babala ang komunidad sa mga paparating na bagyo.
Patuloy ang programang Operation Listo na ang layon palakasin ang disaster preparedness ng mga local government units (LGUs) para sa paghahanda, pagtugon at pagsubaybay sa mga sakuna.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang National Irrigation Administration, Department of Energy, Department of Environment and Natural resources at Metropolitan Waterworks and Sewerage System na unti-untiin ang pagbabawas ng tubig sa mga dam bago pa man dumating ang bagyo.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang National Disaster Risk Reduction and Management Council na suriin ang pamamaraan sa ilalim ng disaster response para mas mabilis ang paghahatid ng tulong sa mga naapektuhang komunidad.
“Ang DPWH tinagubilinan natin na pagbutihin ang slope protection design ng ating mga kalsada at tulay nang matiyak na ito angkop sa pagbabago ng klima,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Trade and Industry na tiyaking maayos at maganda ang klase ng mga materyales at ibang materyales gagamitin para sa mga proyekto ng gobyerno.