PBBM namahagi ng P50M ayuda sa magsasaka, mangingisda na apektado ng bagyo sa Pangasinan
AABOT sa P50 milyong pinansyal na ayuda ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng bagyo sa Pangasinan.
Personal na ipinamigay ni Pangulong Marcos ang tig P10,000 na ayuda sa 5,000 magsasaka at mangingisda.
“Sa pangunguna ng Tanggapan ng Pangulo, maglalaan tayo ng tig- PhP10,000 para sa 5,000 magsasaka at mangingisdang benepisyaryo. Layunin nitong maging unang hakbang upang makaahon muli ang inyong kabuhayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Pangako ni Pangulong Marcos, aalalay ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Labor and Employment.
“Inaatasan ko ang ating mga ahensya at mga lokal na pamahalaan na lalo pang paigtingin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga Pangasinense,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Inaatasan ko naman ang DHSUD—yung ating housing— at DSWD na maging masigasig sa paghahandog ng pansamantalang tirahan para sa mga pamilyang nasalanta,” dagdag ng Pangulo.