
PBBM namahagi ng 3K-plus land titles sa Caraga
AABOT sa 3,184 na titulo ng lupa ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Caraga.
Sinabi ni Pangulong Marcos na kukumpletuhin niya ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa ilalim ng Land Reform Program bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa distribution ng land titles sa Prosperidad, Agusan del Sur, sinabi niya malayo na ang narating ng kanyang administrasyon sa pamahagi ng lupa.
“Bagama’t maituturing natin itong tagumpay, hindi pa tapos ang ating laban,” pahayag ng Pangulo sa mahigit 3,000 ARBs mula sa Agusan Del Sur, Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.
“Layunin kong matapos ang pamamahagi ng lupang saklaw ng Agrarian Reform Program bago matapos ang aking termino.
At ang 3,184 na titulo na ipapamahagi natin sa araw na ito ay patunay ng kanilang patuloy na pagsisikap,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Para patunayan ni Pangulong Marcos na seryoso ang gobyerno na makumpleto ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa 2028, nilagdaan niya ang Executive Order No. 4 na magpapatupad ng isang taong moratorium sa pagbabayad ng amortizations at interest sa agrarian debt.
“Ngunit ayoko ng Band Aid na solusyon. Ang hanap ko ay permanenteng lunas,” sabi ni Pangulong Marvos kasabay ng pagbibigay diin sa nilagdaang Republic Act 11953, o New Agrarian Emancipation Act noong Hulyo ng nakaraang taon kung saan nakalaya sa utang ang may 600,000 ARBs.
Bukod sa titulo, namahagi rin si Pangulong Marcos ng farm machineries at Equipment (FMEs) at nanguna sa ribbon cutting ng farm-to-market roads (FMRs) markers sa Agusan Del Sur.
Nagbigay din si Pangulong Marcos ng P8.91 milyong halaga ng farm machineries at equipment sa 1,681 ARBs.