PBBM nagpasaklolo sa media vs fake news, AI
HUMINGI na ng tulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa media para labanan ang fake news, unregulated social media at artificial intelligence.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa oathtaking ng Board of Trustees ng Association of the Philippines Journalists-Samahang Plaridel Foundation Incorporated, sinabi nito na ito ay para matukoy ang totoong balita mula sa mga kasinungalingan.
“In this time of unregulated social media, of fake news, [and] artificial intelligence, now more than ever, we need your help in empowering our people to distinguish the truth from fiction, and facts from blatant lies,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Hindi maikakaila ayon sa Pangulo na mahalaga ang papel na ginagampanan ng media sa pagbibigay ng tamang balita at impormasyon sa taong bayan.
Umaasa si Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng grupo ang pagpapanatili sa integridad ng propesyon, pagtataguyod ng press freedom, at pagbabantay sa mga kagawad ng media.
Umaasa rin si Pangulong Marcos na mananatiling patas ang media na itinuturing na ikaapat na estado ng bansa.
“For one, you help keep our people informed of important news and current events, ensuring that there is a healthy, and enlightened, meaningful discourse on matters of public importance,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“You likewise help in holding public officers, including myself, accountable for our actions—recognizing our work when we do well, and pointing out shortcomings whenever our work does not measure up to our sworn duties,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, nakasuporta ang administrasyon sa mga adhikain ng media at pangangalagaan ang kapakanan ng mga ito.
“This Administration recognizes the invaluable role of a free press and a robust media in ensuring a vibrant and functioning Philippine democracy,” pahayag ni Pangulong Marcos.