BBM

PBBM kinilala halaga ng ugnayan ng PH, Japan

August 1, 2023 People's Tonight 90 views

PINAGTIBAY ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan ng Pilipinas sa Japan sa iba’t ibang sektor, kasama na ang agrikultura, imprastruktura, at depensa. Ibinahagi niya ang pahayag na ito sa isang pulong kasama ang mga opisyal ng Japan-Philippines Parliamentarians Friendship League (JPPFL) na pinangungunahan ni Chairperson Moriyama Hiroshi sa Malacañang Palace.

Kinilala ni Pangulong Marcos ang matagal nang papel ng Japan bilang kasosyo sa pag-unlad ng imprastraktura at agrikultura ng Pilipinas, sa tulong mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at pinansyal na suporta mula sa Asian Development Bank (ADB).

“The support that we are receiving from Japan in this regard, in terms of our equipment, in terms of our interoperability operations, are valuable, I think, for both our countries and I believe that we should strengthen that,” saad ng Pangulo.

Binigyang-diin niya ang mga pakinabang ng mga kasunduang tulad ng mga public-private partnerships (PPP) at government-to-government (G2G) collaborations, pati na rin ng mga joint venture, lalo na sa pagpapaunlad ng imprastraktura.

Ipinakita rin ni Marcos ang pagtutok ng kanyang administrasyon sa agrikultura upang matiyak ang seguridad sa pagkain at transpormasyon ng ekonomiya ng Pilipinas. Kinilala niya ang malakas na suporta ng Japan sa transfer ng teknolohiya at tulong sa mga magsasaka at sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.

Sa pulong, ipinahayag ni Moriyama ang suporta ng Japan sa mga inisyatibang pangkaunlaran ng Pilipinas, lalo na sa agrikultura, imprastruktura, depensa, seguridad, at sa proseso ng kapayapaan sa Mindanao. Binanggit din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng industriya ng depensa sa pamamagitan ng government-to-government cooperation, kabilang ang Official Security Assistance (OSA).

Ang JPPFL ay binubuo ng mga parlamentaryo na nagtataguyod ng ugnayan ng Japan at Pilipinas. May ginagampanan silang napakahalagang papel sa pagpapanatili ng pag-unlad at teknikal na tulong ng Japan sa Pilipinas. Ang pulong ay naganap sa panahon ng Philippines-Japan Friendship Month na siyang ipinagdiriwang tuwing Hulyo.

Kasama rin sa pulong sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Communications Secretary Cheloy Velicaria-Garafil, Philippine Ambassador sa Japan na si Mylene Garcia Albano, at iba pang opisyal mula sa Embahada ng Japan sa Pilipinas.

Ang JPPFL ay itinatag noong 1986 na nagsusulong ng mga panukalang batas na nagpapalakas ng positibong ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa, habang ang Philippines-Japan Parliamentarian Association ay itinatag noong 1987 matapos ang pagdalaw ng JPPFL sa Pilipinas.

AUTHOR PROFILE