PBBM: Ipagdasal mga nasawi sa bagyong Kristine ngayong Undas
HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko na isama sa panalangin ngayong Undas ang mga nasawi dahil sa bagyong Krsitine.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa kanyang vlog.
“Matinding pagsubok ang sinasapit ng marami sa ating mga kababayan dahil sa nagdadaang bagyo. Kaya’t ngayong Undas, bukod sa ating mga yumaong mahal sa buhay, ay isama na rin natin ang ating panalangin para sa mga biktima at nasalanta ng sakunang ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Base sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, mahigit 100 katao ang nasawi dahil sa bagyong Kristine.
Karamihan sa mga nasawi ay galing sa Bicol region.
“Ang naging problema talaga sa Bicol ay ang tagal bumaba ng tubig. Natagalan tayo na makapasok hangga’t nagkaroon tayo ng mga rubber boats dahil ‘yung truck hindi pa kaya pumasok. Iyong mga relief goods ‘pagdala ng mga tao sa evacuation center, ginawa namin rubber boat na ang ginamit namin,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Marcos na tinulungan niya ang Bicol region kahit balwarte ito ng kanyang katunggali noong eleksyon na si dating Vice President Leni Robredo.
“May mga nagre-react dahil daw kahit balwarte ng ating katunggali noong eleksyon ay pinupuntahan ko. Eh nandoon ang bagyo. Ang bagyo hindi nangingilala ng eleksyon. Kaya kung saan na may problema, kung saan ang nangangailangan ng tulong ay doon tayo pupunta,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Mga kababayan, hindi tayo titigil hangga’t hindi pa nakakabangon ang lahat. Walang pagod ang ating mga ahensya. Naririnig namin ang inyong saklolo at ginagawa namin ang lahat upang mailagay kayo sa mas mabuting kalagayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.