
PBBM hinimok lagdaan Magna Carta para sa Barangay Health Workers
HINIMOK ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang agarang paglagda sa Magna Carta para sa Barangay Health Workers, na aniya’y matagal nang dapat ipatupad upang mapakinabangan ng mga frontline health volunteers sa bansa.
Layunin ng panukalang batas na ito na gawing propesyonal ang mga Barangay Health Workers (BHWs) sa pamamagitan ng pagbibigay ng patas na kompensasyon, akses sa pagsasanay, at pagsama sa mga posisyon sa plantilla ng gobyerno.
“Niratipikahan na ng Senado at Kamara ang BICAM Report sa Magna Carta para sa Barangay Health Workers. Ang kailangan na lang ay ang lagda ng Pangulo,” ani Pimentel.
“Wala dapat maging balakid sa pagpirma nito dahil dumaan ito sa masusing pag-aaral, lalo na sa aspeto ng pondo,” dagdag pa niya.
Bilang isa sa mga bumoto pabor sa Senate Bill No. 2838, binigyang-diin ni Pimentel ang kahalagahan ng panukala sa pagkilala at pangangalaga sa karapatan ng mahigit 400,000 Barangay Health Workers sa buong bansa.
Ayon kay Pimentel, mahalaga ang papel ng mga BHW sa mga programa tulad ng pagbabakuna, pangangalaga sa kalusugan ng mga ina, at pagtugon sa mga emergency.
“Matagal nang naglilingkod ang ating BHWs sa mga komunidad, lalo na noong pandemya. Panahon na para mabigyan sila ng nararapat na benepisyo at suporta,” aniya.
Noong Enero 2025, iminungkahi ni Pimentel ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa vape at heated tobacco products bilang isa sa mga posibleng mapagkukunan ng pondo para sa honoraria ng mga BHW.
“Kailangan nating tiyakin na may sapat na pondo para sa kanilang honoraria. Isa sa mga maaaring pagkunan ay ang mas mataas na buwis sa vape at heated tobacco products,” paliwanag niya.
Ngayong tanging lagda na lamang ng Pangulo ang kinakailangan upang maisabatas ang Magna Carta para sa BHWs, umaasa si Pimentel na hindi ito haharap sa anumang pagkaantala o veto.
“Matagal nang hinihintay ng ating Barangay Health Workers ang batas na ito. Umaasa tayo na pipirmahan ito ng Pangulo nang walang anumang hadlang,” ani Pimentel.