Payag na ba si Inday na makulong si President Duterte at ang 1st family?

October 22, 2021 Allan L. Encarnacion 276 views

Allan EncarnacionWALA pang ending ang Duterteserye.

Hangga’t wala pa ang Nobyembre 15, patuloy na nakaabang ang bayan sa mangyayari sa pulitikang nakabitin kung sinu-sino ang maglalaban-laban para sa 2022 Presidential derby.

Nakalantad na sina Isko, Bongbong, Manny, Ping at Leni. Nakatago pa si Sara pero parang pako, kita ang ulo.

Kipkip sa dibdib ang kartada ng mga Duterte, walang nakakaalam sa magiging desisyon ni Inday pagsapit ng pinakaabangang petsa.

Nakapagsumite ng ng COC para sa reeleksiyon sa pagkaalkalde si Inday. Sarado na sana hulaan korner pero marami pa rin ang naghihinala sa mga susunod na mangyayari.

Ang sabi ni Sara, bata pa naman siya, mayroon pa namang 2028 Presidential elections.

Kung hindi talaga kakandidato ang anak ni Digong, nasa apat na mga lantad na kandidato ang posibleng maging susunod na Presidente. Si Isko na ba? Si Bongbong na ba? Si Pacman na ba? Si Leni na ba? O si Ping na ba?

Ang susunod na tanong, may nakaabang bang seguradidad para kay outgoing President na erpat ni Inday? Meaning, parang tabak ni Damocles na mahuhulog sa ulo ni Digong ang mga kasong posibleng isampa sa kanya. Nariyak ang ICC, nariyan ang banta ni Trillanes na pagpapakulong, nariyan ang Pharmally scandal at nariyan pa ang mga inaakusang EJK.

Hindi lang kay Digong nagbabanta ang mga kritiko, tinatarget na rin nila si Pulong, si Baste, si Mans na esposo ni Inday at baka maging si Kitty. Alam naman natin ang klase ng pulitika sa bayang ito, kultura ng benggansa na pinasimulan matapos ang ‘86 people power.

Dalawang Presidente ang naipakulong, sina Erap at Gloria. Natigil doon kasi hindi pinersonal ni Digong si Noynoy. May mga senador na ring na naselda, sina Jinggoy, Bong Revilla, Trillanes at Leila.

Hindi rin natin masabi kung may mga gusto ring magpakulong kay Inday matapos ang eleksiyon para tuluyan na itong hindi makatakbo sa 2028. Wala namang kaso si Inday at wala naman itong kinasangkutang kontrobersiya, pero sa klase ng mga mentalidad ng mga pulitiko rito, kaya nilang imbentuhan ng kaso si Sara maalis lang sa poder.

Ito ang mga senaryong posibleng naghihintay sa Duterte family sa ilalim ng Presidente na hindi nila kakampi. Ito iyong pintuang bubuksan ni Sara sa pagsasara ng kanyang opurtunidad sa pagtakbo.

Hindi pa nangyari sa ating kasaysayan na number one sa survey na umaayaw sa pagtakbo. Kung totohanin ni Sara, baka siya ang kauna-unahang tao sa bansa na tumanggi sa trono na iniaalok sa kanya.

Kung halimbawang hindi man maisama si Inday sa mga ipapakulong ng susunod na Presidente, wala ring katiyakan kung pareho pa rin ang kanyang ranking kapag nagkaroon ng Presidential survey sa 2028. Or kung kilala pa rin siya ng mga magiging botante sa mga panahong ‘yan.

Maraming puwedeng mangyari mula June 30, 2022 hanggang June 30, 2028 Posibleng may mga bago na namang sisikat na pangalan na magtatabon sa limot sa pangalang naririnig natin ngayon.

Buwenas kung si Sara pa rin iyon, pero paano kung hindi?

Importante ngayon na timbangin ni Sara ang lahat ng senaryo na magiging batayan ng kanyang desisyon unless payag siyang maipakulong ng susunod na President ang kanyang ama.

allanpunglo@gmail.com

Opinion

SHOW ALL

Calendar