Kim Kim Chiu and Paulo Avelino

Paulo na-manifest ang pakikipagtambal kay Kim

February 20, 2025 Ian F. Fariñas 198 views

HARAP-HARAPANG inamin ni Paulo Avelino ang pagpapadala niya ng bouquet of flowers sa “My Love Will Make You Disappear” leading lady na si Kim Chiu nitong nakaraang Valentine’s Day. Nag-trending pa nga online ang pangalang “Kimberly” (real name ni Kim) dahil dito.

Sa grand mediacon ng nasabing rom-com mula sa Star Cinema, naging very honest din si Paulo sa pagsasabing minanifest niya ang pagsasama nila ni Kim sa proyekto.

“I wanted to work with her. Never ko talaga in-expect, kasi nag-iba na rin ang tahak ng mga gusto kong gawin. Hindi ko alam na kay Kim pala ang bagsak ko,” turan ng tinaguriang “nonchalant” actor.

Siyempre, hiningan ng reaksyon si Kim sa mga sinabi ni Paulo.

Aniya, “Hala! I’m speechless!”

Inamin naman ng “It’s Showtime” host na nu’ng una, hindi talaga niya alam kung papa’no kakausapin si Paulo.

Ni hindi rin daw niya naisip na makakasundo niya ito dahil hindi nga ito masalitang tao.

Dagdag ni Kim, “Nakatayo lang siya. Actually, titingnan ka lang niya, ganu’n.”

Pero dahil pangatlo na nila itong pagsasama — after “Linlang” and “What’s Wrong with Secretary Kim” — sinabi niya na mas close na sila ngayon.

Hindi na lang sila sabay nagwo-workout. Maging sa baon na pagkain at pag-arte sa harap ng kamera, nag-a-adjust na rin si Kim para sa kapareha.

Kinikilig naman daw si Paulo tuwing nakikita niya na may gulay na ang baunan ni Kim na walang halong karne.

Si Kim naman, kilig sa pasalubong na tinapay ni Paulo nang puntahan siya nito sa studio ng “It’s Showtime”.

Tukso ng dalaga sa sarili, “Tinapay lang pala, mahinang-mahina si ate ko, hahaha! Mahinang nilalang siya!” habang ngingiti-ngiti lang sa tabi niya si Paulo.

Seriously, sabi ng aktor, sa pagkakatanda niya ay wala pa siyang nakatrabahong aktres nang tatlong beses. Laging hanggang dalawa lang — mapa-serye man o pelikula.

Kaya exception dito si Kim.

Katwiran ni Paulo, hindi nakakasawang katrabaho si Kim.

Pakli ng aktres, “Nag-a-adjust kasi ako, eh! Hahaha!” na sinagot ng ka-loveteam ng, “Nag-a-adjust ’yung acting niya, ‘yung ulam niya, may gulay na. Hahaha!”

Para kay Pau, maraming rason kaya siya muling pumayag na makapareha si Kimmy. Una na nga rito, dahil ang “My Love Will Make You Disappear” ang kauna-unahan nilang pagsasama sa big screen.

Tapos, ito rin ang kauna-unahan niyang pagbibida sa isang romantic comedy film.

Dagdag pa rito, na-excite rin daw siya sa concept at istorya ng movie na isinulat ni Prime Cruz sa ilalim ng direksyon ni Chad Vidanes.

Anyway, bukod sa KimPau, nasa cast din ng “My Love Will Make You Disappear” sina Wilma Doesnt, Lovely Abella, Martin Escudero, Benj Manalo, Migs Almendras at marami pang iba.

Showing na ito sa mga sinehan simula March 26.

AUTHOR PROFILE