Patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa , nakakaalarma!

December 4, 2022 Vic Reyes 129 views

Vic ReyesAKALA siguro ng mga ismagler ng “wildlife species” ay mapapalusutan nila ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Hindi nila alam na “specially-trained” ang mga tauhan ni NAIA District Collector Carmelita “Mimel” C. Manahan-Talusan para pigilan ang pagpasok ng kontrabando sa bansa.

Kaya hindi nakapagtatakang mabuko ang tangkang pagpuslit sa bansa kamakailan ng 23 buhay na tarantula na kabilang sa “endangered species” sa mundo, mula Hanoi, Vietnam.

Ang mga tarantula ay nakatago sa isang kargamento na idineklarang naglalaman ng “snacks and other foodstuffs”. Ang consignee ng shipment ay may address sa Makati City.

Ayon sa report, ang mga tarantula ay nakalagay sa loob ng mga plastic container.

Isinalin na sa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga tarantula.

Ang ismagling ng wildlife ay labag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at RA No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Sa totoo lang, isa ang Pilipinas sa mga bansang may magandang rekord sa paglaban sa wildlife smuggling.

Ang worldwide campaign laban sa ismagling ng mga endangered exotic plants and animals ay naglalayong mapigilan ang “extinction” ng mga wildlife na ito.

***

Lubhang nakakaalarma ang balitang ang Pilipinas na ang may pinakamabilis na paglaki ng bilang ng may sakit na HIV sa buong rehiyon ng Asya-Pasipiko.

Ito ang inihayag kamakailan ng United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS).

“In the Asia and Pacific Region, the Philippines has the fastest growing HIV case with a 237% increase in annual new HIV infections from 2010-2021,” ayon sa UNAIDS.

Kagaya ng paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), dapat pagtuunan din ng gobyerno ang kampanya laban sa HIV dahil nakamamatay din ang sakit na ito.

Hindi lang yan. Hindi birong magkasakit ng HIV dahil para kang outcast ng lipunan.

Pandidirihan ka ng marami, pati mga kamag-anak, kaibigan at kapitbahay. Para kang may sakit na ketong na kailangang iwasan para hindi sila mahawa.

Pero mabuti na lang at inilunsad ng Department of Health (DOH) ang tinatawag nilang multi-pronged 7th AIDS Medium Term Plan.

Ang programa ay naglalayong wakasan na sa 2030 ang banta ng AIDS sa kalusugan ng mga Pinoy,

Matatandaan na ang nakahahawa at nakamamatay na sakit na ito ay unang sumulpot noong Enero 1984 na talaga namang kinatakutan ng marami nating kababayan.

Sana makontrol na natin ang paglagananp ng nasabing sakit.

***

Hindi na maawat ang taumbayan!

Kaliwa’t-kanan na ang ginagawang pagsasaya kahit na nandiyan pa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sakit din ng ulo ng mga lokal na opisyal, lalo na sa mga probinsiya,.

Abala na ang mga alkalde, vice mayor, konsehal at pati mga opisyal ng barangay.

Maghapon na lang daw na wala silang ginagawa kundi mamigay ng donasyon para sa mga gagawing Christmas Party o Class/Family reunion ng kani-kanilang kababayan.

Hindi naman daw sila nagagalit sa mga nanghihingi ng donasyon dahil hindi naman sapilitan ang pamimigay ng tulong.

Ang sa kanila lang ay matapos na sana ang kapaskuhan para matapos na ang kanilang mga problema.

Iyon nga lang, pagtungtong ng Pebrero ay panahon na naman ng mga piyesta.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE