Default Thumbnail

Patuloy ang magandang performance ng BoC

February 1, 2023 Vic Reyes 202 views

Vic ReyesDAHIL sa iba’t ibang pagbabagong ipinapatupad ng gobyerno sa “snake-infested” waterfront ay patuloy ang magandang performance ng Bureau of Customs (BoC).

Lalo na sa “revenue collection” at paglaban sa ismagling ng illegal drugs at produktong agrikultura na siyang nagpapahirap sa mga kawawang magsasaka sa bansa.

Noon ngang nakaraang buwan ay umabot ng tumataginting na P65.801 bilyon ang pumasok sa kaban ng BoC na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Ayon sa inisyal na report, ang tax collection noong Enero ay lampas ng P7 bilyon kumpara sa target na P58. 8 bilyon.

Noong Enero 2022 ay umabot lang ng P58.1 bilyon ang revenue collection ng ahensiya na tinatawag na “graft-prone” ng maraming sektor ng lipunan.

Pero naitala ng BoC, na nasa ilalim ng Department of Finance, ang pinakamataas nitong cash collection noong nakaraang taon nang kumolekta ito ng P745.50 bilyon.

Ito ay lampas sa target na P721.52 bilyon, ayon sa BoC sa isang press statement.

Hindi lang yan. Lahat ng 17 collection districts ng BoC sa buong bansa ay nagawang lampasan ang kani-kanilang assigned targets noong nakaraang taon.

Matatandaan na pag-upo ni Ruiz ay binalaan niya ang kanyang mga district collector na tatanggalin niya sa puwesto ang mga mabibigong maabot ang kanilang target.

Sa taong ito (2023), ang collection target ng BoC ay P901.3 bilyon.

Kaya ba ‘yan, Sir Yogi?

***

Nakasakote na naman ang mga alertong tauhan ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BoC-PoZ) ng mga puslit na red at white onions noong Enero 25.

Lulan ng isang vessel marked “Princess Nurdisza,” ang mga imported na kontrabando ay nagkakahalaga ng mahigit na P18 milyon.

Ang mga kontrabando ay binubuo ng 5,611 mesh bags of red onions at 2,249 mesh bags of white onions.

Kaagad na dinala ang mga sibuyas sa DA Research Center sa Barangay Talisayan, Zamboanga City.

Ang crew ng barko, na galing daw ng Taganak, Tawi-Tawi at na-intercept ng mga taga-BoC-PoZ sa Barangay Ayala, Zamboanga City, ay walang maipakitang import clearance.

Ang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance ay ini-isyu ng Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI).

Naunang nakakumpiska ang mga tauhan ni PoZ District Collector Segundo Sigmundfreud Z. Barte Jr. ng mga puslit na sibuyas noong Enero 22 at 23 sa magkahiwalay na operasyon.

Lulan din ng watercraft ang mga imported na sibuyas na nasakote ng mga taga-BoC-PoZ noong Enero 22 at 23.

Ang pinaigting na kampanya laban sa ismagling ng mga produktong agrikultura ay iniutos ni Commissioner Ruiz bilang pagtalima sa marching order ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Banat pa, mga bosing diyan sa aduana!

****

Bukay na buhay na naman ang marami nating kababayan mula Batanes sa Norte hanggang sa Sulu sa Mindanao.

Kasi papasok na naman ang summer na pinakahihintay ng lahat dahil ang mga Pinoy ay likas na mahilig sa kasayahan, pasyalan at iba pang nakalilibang na gawain.

Pero may mga kababayan tayong sumasakit ang ulo at laging napapakamot ng ulo.

Ito ang ating mga local government at barangay officials na laging hinihinginaan ng cash donations tuwing may okasyon sa kani-kanilang lugar.

Ang totoo niyan ay marami sa mga lingkod bayan na ito ang natuwa nang magkaroon ng lockdown dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Dahil may lockdown, walang pista, reunion, outing, picnic at iba pang gatherings.

Walang nanghingi ng donasyon sa mga lokal at barangay na opisyal, pero ngayong balik sa normal, balik din ang mga sosyalan.

Ang ibig sabihin nito, marami na namang lingkod-bayan ang magkakaroon na naman ng migraine.

Hehehe!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE