Default Thumbnail

Patuloy ang laban sa droga

February 10, 2023 People's Tonight 312 views

PaulBAGO ang lahat, may mga natanggap tayong ‘inquiry’ hinggil sa ating column kahapon hinggil sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) na may natanggap na reklamo hinggil naman sa Light Rail Transportation Authority (LRTA).

Batay sa dokumento, may pauna nang imbestigasyon ang ARTA hinggil sa nasabing reklamo kaya marami ang nagtataka kung ano na (daw) ba ang nangyari? Ano na nga ba, hehe!

Abangan!

***

Nangangamba na ang maraming mga Pilipino sa mga lansangan dahil dama umano nila na hindi na nagiging ligtas at ang problema sa droga ay “lumala” ngayon, batay na rin sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).

Isinagawa ang sarbey noong Disyembre 10-14, 2022 na may 1,200 adult respondents. Sa mga ito 60 porsiyento ang natatakot na maaaring may manloob sa kanilang mga bahay. Gayundin, 50 porsiyento ang sumang-ayon na natatakot silang maglakad sa langsangan sa gabi dahil hindi nila nararamdamang ligtas sila.

Gayunpaman, lumalabas din naman sa parehong sarbey na ito na nakakuha ang administrasyong Marcos ng magandang rating na +46 sa pakikipaglaban sa iligal na droga.

Alam naman natin ang epektibong nagawa ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa iligal na droga. Nakita natin ang political will nito at kung paano niya tinotoo ang kaniyang pangako sa pagsugpo sa iligal na droga sa bansa.

Nakita natin kung paano natahimik ang mga komunidad na dating pinamumugaran ng mga adik at kung paano nawala ang takot ng mga mamamayan sa lansangan dahil alam nilang nabawasan ang adik sa kanilang mga lugar.

Naging saksi din ang publiko kung paano pinangalanan ni dating Pangulong Duterte maging ang mga opisyal ng pulis at militar na sangkot umano sa sindikato at ilegal na droga.

Ibig sabihin napakataas ng standard na ginawa ni dating Pangulong Duterte sa kaniyang krusada na labanan ang iligal na droga sa bansa. Hindi biro ang kinaharap nitong laban sa kagustuhan niyang malinis ang salot na ito sa ating bansa.

Kaya nagiging malakas ang loob muli ng mga nasa sindikato ng droga ay dahil nasa pagbangon ng ekonomiya ngayon ang pokus ng administrasyong Marcos. Kaya ito ang kanilang sinasamantala sa ngayon.

Gayunpaman, nakikita naman natin ang patuloy na pagsugpo ng Philippine National Police sa laban sa droga at katunayan nga dito ang accomplishments na nagawa nito ngayong buwan ng Enero kung saan nasa mahigit P420 milyong halaga ng droga ang kanilang nahuli.

Alam natin kung gaano kalakas ang loob ng mga gumagawa ng masama sa ating lipunan lalong lalo na ang mga sangkot sa droga na kaya nilang pumatay para dito.

Isang malaking hamon ito dahil sa tapang at galing ni dating Pangulong Duterte ay nabigo itong tuluyang sugpuin ang droga sa bansa. Bagamat alam natin ang signipikanteng tagumpay nito sa paglabang ito.

Kaya naman kasabay ng pagbangon ng ating ekonomiya, nawa’y paigitiningin din ng kasalukuyang administrasyong Marcos ang laban at pagsugpo sa iligal na droga.

AUTHOR PROFILE