Patong-patong na kaso naka-amba sa Fil-Chi na tinakasan SOGO hotel bill

July 14, 2021 Melnie Ragasa-limena 252 views

PATONG patong na kaso ang nakatakdamg isampa sa Fil-Chinese na hindi nagbayad ng hotel bills at naaresto ng mga pulis sa isang hot pursuit operation mula Quezon City hanggang Maynila, matapos na makumpiskahan ng hinihinalang shabu sa loob ng kanyang sasakyan.

Ayon kay QCPD P/Brig Gen. Antonio Yarra, ang suspek na si Arvin Chua Tan, 46, ng 49C 11 corner Gilmore St., New Manila, Quezon City, ay posibleng maharap rin sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos na makunan ng isang nakabukas na plastic sachet at may puting pulbos na hinihinalang shabu at plastic strip sa loob ng kanyang BMW.

Isasailalim rin aniya ang suspek sa drug tests upang matukoy kung nasa impluwensiya ito ng ilegal na droga nang maganap ang insidente.

“During sa search sa kanyang kotse, ‘yung black BMW, may narekober dito na open plastic sachet with white crystalline substance believed to be shabu and one small aluminum foil strip,” ani Yarra.

“We’ll subject him to a drug test para malaman natin kung under the influence of drugs siya or liquor at bakit niya nagawa yun,” ayon pa kay Yarra.

Nauna rito, Lunes ng gabi nang mag-check-in umano si Tan sa SOGO hotel sa Timog Avenue, Bgy. South Triangle, QC at nagpalipas doon ng magdamag.

Kinabukasan, nag-checkout ang suspek ngunit tumangging magbayad ng bill at sa halip ay nanghihingi pa umano ng P20,000 kaya’t nakasagutan nito ang hotel staff.

Nagwala rin umano si Tan kaya’t napilitan na ang mga tauhan ng hotel na tumawag ng mga pulis. Pagdating ng mga pulis, sumakay ang suspek sa kanyang itim na BMW at tumakas.

Sa kanyang pagtakas, binangga pa nito ang mobile car ng QCPD at isang motorsiklo, gayundin ang iba pang mga sasakyang nadadaaanan nito nang habulin siya ng mga pulis.

Matapos ang mahabang habulan ay nadakma rin ang suspek nang makorner ng mga pulis sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila.

Una nang sinabi ng mga pulis na sasampahan nila si Tan ng mga kasong estafa, resistance and disobedience to a person in authority, at multiple damage to property.

Matatandaang una na ring nasangkot si Tan sa kaso ng pagwawala sa Maynila kung saan sinasabing mayroon umano itong mental condition.

“Doon sa previous incident niya sa Manila, ina-allege nila na siya ay may sakit sa pag-iisip, so ‘yun din ay ating tinitignan, at subject ngayon yan ng ating medical examination na ginagawa sa kanya,” paliwanag ng QCPD chief.