Default Thumbnail

PATODA prexy patay sa ambush

April 26, 2021 Melnie Ragasa-limena 316 views

NASAWI ang presidente ng Payatas Tricycle Operator and Drivers Association (PATODA) nang paulanan ng bala habang sakay ng kaniyang minamanehong tricycle ng ‘riding-in-tandem’ sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Rogelio Macapanas, 51, may asawa, tricycle driver, presidente ng PATODA.Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong maraming tama ng bala sa katwan.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-6:30 ng hapon (April 25), ng maganap ang pananambang sa Honasan St., kanto ng Everlasting Barangay Payatas A, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Angel T Pascasio III, lulan umano ang biktima ng kaniyang minamanehong tricycle at ihahatid ang kaniyang dalawang pasahero.

Habang binabaybay ni Macapanas ang kahabaan ng kalye Honasan ay biglang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang dalawang nakamaskarang lalaki sa kaniyang daraanan at agad pinagbabaril ang biktima.

Nang makitang duguan nang nakabulagta si Macapanas ay agad na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Upper Jasmine St., sa nasabing barangay.

Nang umalis na ang mga salarin ay agad na humingi ng saklolo si Christian Harbisi sa mga tanod upang dalhin sa East Avenue Medical Center ang isa sa mga pasahero ng biktima na tinamaan ng ligaw na bala.

Masusing iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung may kinalaman bilang pangulo ng PATODA ang pananambang laban sa kaniya.