Default Thumbnail

Patay sa Antique bus tragedy 17 na

December 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 1234 views

UMAKYAT na sa 17 ang namatay sa bus na nahulog sa bangin noong Martes sa Hamtic, Antique, ayon kay Antique Governor Rhodora Cadiao.

Bukod sa mga namatay, 7 pa ang nasugatan sa trahedya, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Naganap ang trahedya dakong alas-4:00 ng hapon matapos nang mawalan ng preno ang bus.

Nangako ang Vallacar Transit, Inc. (VTI), operator ng nahulog na Ceres Bus Lines, na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon para malaman ang dahilan ng pagkakahulog ng bus.

Ayon sa VTI, nagpasa na sila ng report sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng insidente.

Sinuspinde na ng VTI ang 12 pang unit na Ceres bus habang gumugulong ang imbestigasyon.

Nagpaabot ng pakikiramay at humingi ng paumanhin ang VTI sa mga biktima ng malagim na aksidente.

“Vallacar Transit, Inc. would like to express its most heartfelt apologies to those who were involved in the incident.

We would also like to send our sincerest condolences to the bereaved families,” pahayag ng kompanya.

Magbibigay din ang kompanya ng tulong pinansyal sa mga biktima at sa pamilya ng mga nasawi at sasagutin ang gastos sa ospital at pagpapalibing.

Samantala, sinabi ni MDRRMO head Rafael Magbanua na accident prone ang lugar kung saan nahulog ang bus.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nahulog na sasakyan sa bangin dahil batay sa kanilang data nagkaroon na rin ng paherong aksidente noong 2018 at 2019.

Para maiwasan na maulit ang trahedya, pinalalapad na ang kalsada sa apat na linya at naglagay na rin ng concrete barriers.