Patay na lola ng girlfriend dinala ni Mikoy sa premiere night
MARAMI ang naantig sa kuwento ng Kapuso actor na si Mikoy Morales sa premiere night ng Green Bones.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Mikoy na dinala niya sa special screening ang green bones ng lola ng kanyang non-showbiz girlfriend na si Isa Garcia. Ang mga ito ay nasa loob ng isang kuwintas na suot niya noong gabing iyon.
Sa caption ng kanyang post isinulat niya, “This is Mama Gog – Isa Garcia’s lola, and these are her actual green bones.”
“Took her to last night’s premiere dahil mahilig daw siya sa mga teleserye at artista. Medyo big deal kasi lola’s girl si Isa pero hindi ko na siya naabutan. But siguro, tuwang-tuwa ‘yun kagabi. Baka naiyak din ‘yun sa pelikula. Tapos baka kumain kami after kung hindi pa siya inaantok. Ewan, but I know we would’ve had good times, Mama Gog.”
Lubos ang pasasalamat ni Mikoy sa kanyang girlfriend para sa pagkakataong makasama ang lola nito sa espesyal na paraan. “A special moment for a special movie. Thank you for letting me bring her as my date, Isa Garcia,” dagdag niya.
Ibinahagi ni Mikoy ang kanyang labis na pasasalamat na nagawa niyang lumikha ng isang espesyal na alaala para sa kanyang girlfriend.
Ayon sa aktor, nais gawing mas makabuluhan ni Isa ang premiere night kaya ibinigay muna nito ang espesyal na pendant na naglalaman ng green bones ng kanyang lola.
Pahayag ni Mikoy sa gabing iyon, “(Pakiramdam ko) more guidance, at least kasama ko [si lola] manood and ngayon lang siya makaka-sine ulit after a long time.”
Mapapanood na sa mga sinehan ang Green Bones simula ngayong December 25.
Ito ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 50th Metro Manila Film Festival.
Chuckie may di magandang karanasan sa isang artista
IKINUWENTO ni Chuckie Dreyfus kung ano ang ginawa ng isang artista at mga kasama nito sa kuwarto na kanilang tinuluyan sa taping na ikinainis niya kaya ayaw na niya itong makatrabahong muli.
Sino kaya ang naturang artista?
Sa programang “Lutong Bahay,” tinanong ng host na si Mikee Quintos si Chuckie kung mayroon at sino ang nakatrabaho niyang artista na ayaw na niyang makatrabahong muli at bakit.
Ayon kay Chuckie, nangyari ang insidente sa location taping at silang dalawa ng naturang artista ang magkasama sa kuwarto.
Pero naunang natapos ang mga eksena ng naturang artista kaya nauna itong umalis. Gayunman, naiwan umano ang mga kasama ng naturang artista na maaaring chaperone, o bantay, o barkada nito.
Bukod pa rito, mayroon pa raw itong kasama na dalawa o tatlong tao.
Paliwanag ni Chuckie, wala naman daw problema sa kaniya kung iwanan ng naturang artista ang mga kasama nito sa kuwarto. Pero ang hindi niya nagustuhan ay ang ginawa ng mga ito sa kuwarto.
“[Pagpasok niya sa kuwarto] Puro usok. Akala mo nasa dream sequence ako, parang fantasy na…tapos nag-iinuman sila. Ang ingay talaga,” ayon kay Chuckie.
Lalo pa umanong nagulantang si Chuckie nang pumunta siya sa banyo.
“Eh ako magbabanyo muna ako, maliligo ako at mag-aayos. Pagbukas ko ng pinto, puro suka yung sahig. Tapos barado yung inidoro,” patuloy ng aktor.
“Nag-party talaga. Galit na galit talaga ako,” sabi pa ni Chukie. “Nagwala ako sa kuwarto.”
Tinukoy ni Chuckie ang pangalan ng aktor na nagpatawa kay Mikee pero hindi na ipinaalam ng programa kung sino ang naturang artista.
Aicelle naniniwala sa himala
KATULAD ng ginagampanan niyang role na si Elsa sa Isang Himala, naniniwala rin sa isang himala ang singer-actress na si Aicelle Santos.
ikinuwento ni Aicelle ang tila isang milagrong nasaksihan niya at ng kanyang pamilya noong 2012.
“Ang himala po sa buhay ko, na lagi kong ikinukuwento sa mga kakilala o hindi, ay mirakulo ng pagpapagaling ng Panginoon sa aking pamilya. Meron akong kapatid, 21 years old, isa na siyang cancer survivor. Siya po ay pinagaling ni Lord from stage 2 lymphoma.
“Pero towards the sixth month of our chemotherapy, inatake naman sa puso ‘yung 19-year-old brother ko. And ito po ‘yung case ng myocarditis [inflammation of the heart muscle]. So, kung ang heartbeats natin per minute is 80 to 100, sa kanya naging 20 beats per minute. Ang sabi sa akin ng doktor, nanganganib na talaga siya. Ako noon, dinala ko siya sa ospital, kasama ng nanay ko, nakapaa lang. E, nakita ko ang nanay ko, namumutla, e, high blood din ang nanay ko. Sabi ko, ‘Ma, diyan ka, kukuha ako ng gamot mo, kukuha ako ng tsinelas mo.”
Nang bumalik, nadatnan daw ni Aicelle ang ina na umiiyak. Pinapipirma na raw kasi siya ng waiver dahil sa kalagayan ng kanyang kapatid.
“Sabi ko, hindi. Talagang noong panahon na yun, yung confidence ko kay Lord, yun lang talaga ang kinapitan ko. Sabi ko, ‘Ma, mabubuhay si Aaron,’” pagbabahagi ni Aicelle.
“Aktibong Kristiyano ako and out loud. I prayed over him, sa puso niya. ‘In the mighty name of Jesus, you are healed. In the mighty name of Jesus, ang kagalingan ng Panginoon, mula ulo hanggang paa, dumadaloy ang dugo ng Panginoon sa ‘yo. Amen!’
“Right there and then, I witnessed a miracle, dumilat po ang kanyang mata. And then, ang mommy, tumigil sa pag-iyak.”
Bagamat ilang taon na ang nakalilipas, bago pa niya gawin ang Himala, Isang Musikal, hindi pa rin ito nalilimutan ni Aicelle at patuloy niyang ikinukuwento sa mga tao.
Dahil dito, napatunayan daw niya na, “Ang kapangyarihan ng paggaling, para sa akin, ay hindi naman nanggagaling sa tao. Ang kapangyarihan ng paggaling ay nanggagaling talaga sa Diyos na nasa taas. All we can do as humans is to call on Him and pray that we will be healed and we are healed.”