Patatas source ng carbo, rice alternative–DA
MALAKI ang potensiyal ng patatas bilang source ng carbohydrates at altenatibo sa bigas, ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ito’y matapos lumagda kamakailan sa isang kasunduan ang kalihim sa Universal Robina.
Ayon kay Tiu Laurel, mahalaga din na pagtuunan ng pansin ang potensiyal na pagkukuhanan ng carbohydrate at alternatibo sa bigas dahil maaari itong makatulong sa pagresolba sa pangangailangang pagkain ng mga Pilipino.
“I am very hopeful na magtuloy-tuloy ito kasi kailangan natin ng alternative sa bigas, and potato is one of the best solutions available to us today.
Maraming puwedeng gawin sa patatas, from the normal table potatoes to local chips, then French fries, etc,” ani Tiu Laurel.
Dagdag pa ng kalihim na inaprubahan na niya ang pagpapatupad ng potato seed tissue culture program na inaasahang mapalago pa ang produksiyon ng patatas sa Pilipinas.
Lumagda ang DA at Universal Robina Corporation—ang food manufacturing arm of the Gokongwei Group— ng isang five-year Memorandum of Agreement (MOA) upang pagtulungang ituloy ang implementasyon ng Sustainable Potato Program (SPP).
Nilalayon ng SPP na bumuo ng maaasahang seed system, palakasin ang mga organisasyon ng mga potato farmer at mapalaki ang kanilang produksyon at kita.
Sa ilalim ng kasunduan, pagtutulungan ng mga DA regional offices at URC ang pagtukoy at pagpili ng mga grupo ng mga magsasaka para sa capacity building, training sa tamang agricultural practices, seed multiplication, pest at disease management, storage, handling at marketing.