Lacson

Patas sa lahat na batas sa LGU, programa ng Lacson presidency

March 26, 2022 People's Tonight 146 views

NAUUNAWAAN ni presidential candidate Ping Lacson na nararapat nang ayusin ang sistema ng pagpapatupad ng mga batas para mabigyan ng mas malawak at matibay na papel ang mga local government unit (LGU) tungo sa pagpapatupad ng kanilang mga proyektong pangkaunlaran.

Kaya naman kasado na sa plataporma ni Lacson at ng kanyang running mate na si vice presidentiable Tito Sotto, ang pagsasaayos sa Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991, na naglalayong magkaroon ng kalayaan ang mga LGU sa pagpapaunlad ng kanilang sariling mga komunidad katuwang ang national government.

Parehong pabor ang dalawang batikang senador sa pag-amyenda ng nasabing batas, ngunit habang wala pa aniya nito, makakatugon na ang kanilang pangunahing plataporma na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).

“I-a-amend natin ‘yung Local Government Code na kung saan ‘yung barangay na malalaki at mga purok na malalaki, lagyan natin ng threshold. Kapag halimbawa ang isang barangay umabot ang population, sabihin na nating 50,000 o 75,000, aba, parang bayan na ‘yon e—isang maliit na bayan,” ayon kay Lacson.

“So, dapat unang-una muna, ‘yung share sa IRA (Internal Revenue Allotment). Ito uugma sa aming programa, sa plataporma namin. Ang tawag po namin ‘yung BRAVE ,” paliwanag niya sa mga taga-Barangay Calumpang, General Santos City na kanilang binista kamakailan.

Matagal nang isinusulong ni Lacson ang programang BRAVE at katunayan ay inihain na niya ang panukalang batas para rito, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa ito lubusang napag-uusapan sa Senado.

Kaya naman, ipinangako niya na kung siya ang magiging susunod na lider ng ehekutibong sangay ng gobyerno ay tiyak na maisasakatuparan ang programang nakatutok sa desentralisasyon ng pambansang badyet.

Sa ilalim kasi nito ay planong mabigyan ng nasa tig-P1-bilyon ang bawat probinsya sa buong bansa; tig-P100- hanggang P200-milyon naman para sa bawat lungsod; P50- hanggang P100-milyon sa bawat munisipalidad; at P3- hanggang P5-milyon naman sa mga barangay kada taon.

Hindi umano ito imposible ayon kay Lacson—na kilalang mahigpit na kumikilatis sa pambansang budget—dahil aabot sa higit P328-bilyon ang pondong hindi maayos na nagagamit at naabuso sa ating gobyerno.

“Sino ba ‘yung end-user? Sino ba ‘yung beneficiaries? Hindi ba dapat ‘yung mga local government unit?” sabi ni Lacson kaya suportado niya ang pagbuhos ng pondo sa mga LGU na siyang magpapatupad naman ng mga proyekto para sa kabuhayan, kaunlaran, at imprastraktura.

“Kung sa pagpaplano pa lang ng budget, nanggaling ‘yan sa barangay, nanggaling sa municipality, provincial hanggang regional, at ipinasok sa tinatawag nating National Expenditure Program o ‘yung tinatawag na President’s Budget bago ipadala sa Kongreso, aba plantsado ‘yon,” aniya.

Kung magagawa umano ito ay mawawala na ang disconnect sa mga programa ng mga national agency at pangangailangan ng mga LGU na kanyang naobserbahan, lalo na sa pakikipagdayalogo sa iba’t ibang mga sektor ngayong kampanya.

Sinabi naman ni Sotto na kasalukuyang Senate President na ihahabilin na niya sa 12 maiiwang senador ang pag-amyenda sa RA 7160 upang mapaglaanan ng sapat na pondo ang mga barangay at gayundin ang mga purok na kanilang nasasakupan.

“As Senate President…magda-draft po ako ng amendment sa (RA) 7160, ibibigay ko rito sa 12 senador na maiiwan para po asikasuhin nila at tingnan nila kung papaanong, ika nga, hindi lang iku-qualify kundi iku-quantify ‘yung powers at saka pwedeng mangyari sa puroki” pahayag ni Sotto.

AUTHOR PROFILE