Default Thumbnail

Pasya ng SC igalang

June 12, 2023 People's Tonight 670 views

DongDAPAT tanggapin ni Makati Mayor Abby Binay ang ibinabang pasya ng Korte Suprema na ilipat sa Taguig ang Bonifacio Global City at 10 barangay na saklaw sa balwarte ni Makati Second District Rep. Luis Jose Campos Jr., esposo ni Binay.

Final and executory ang hatol ng Supreme Court. Hindi na puwedeng palagan ang kautusan ng SC, sabi nga ay salus populi suprema est lex- ang kapakanan ng taumbayan ang pinakamataas na batas.

Sa 13 barangay ng ikalawang distrito ng Makati- Cembo, Comembo, East Rembo, Guadalupe Nuevo, Guadalupe Viejo, Pembo, Pinagkaisahan, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo at West Rembo- may tatlong barangay na maiiwan sa teritoryo ni Rep. Campos, Jr.

Tanggapn na lamang ng mag-asawang Binay na mababawasan ang saklaw ng kanilang teritoryo. Tatlong barangay ang maiiwan sa pangangalaga ni Rep. Campos, Jr. Hindi maiiwasang mapansin ito ng sangguniang panlungsod ng Makati, maaaring bumalangkas ng ordinansa para dagdagan ng barangay na pamumunuan ng mister ni Mayor Binay. Maaari rin na ilipat na lang sa unang distrito ang tatlong barangay- menos-gastos sa taxpayer. At sabi nga, Rep. Campos Jr. becomes irrelevant, his services for representing such a minuscule spread of political geography may no longer be needed.

Geopolitical shift happens.

Nang ibaba ng SC ang kautusan nito upang malutas ang 30-taong agawan at iringan ng Taguig at Makati hinggil sa kani-kanilang saklaw na lupalop, idiniin ng SC sa 36-pahinang desisyon na “best interest” ng taumbayan ang isinaalang-alang. Muli, “salus populi suprema est lex” o kapakanan ng taumbayan ang pinairal.

“It would thus be an abdication of Our duty if We would not look into all facets of the present dispute in coming up with a judicious adjudication of Makati and Taguig’s conflicting factual claims.

We have to resolve, with finality, the territorial dispute that has gripped both cities for decades, bearing in mind the best interest of the constituents of the affected government units” saad sa desisyon ng SC.

Malinaw na hindi kapakanan ng mga Binay ang kinonsidera ng Supreme Court. Iwasan na lamang na makipagmatigasan pa ni Mayor Binay na hindi sundin ang kautusan.

Huwag na rin sanang isangkalan ni Mayor Binay ang mga benepisyong nakukuha ng mga residente sa Makati. Huwag na rin sanang itulak ang mga residente para tutulan ang nakatakdang paglipat sa Taguig.

Malinaw nang itinanggi ni SC Spokesman Atty.Brian Keith Hosaka na walang nakatakdang oral argument. Lihis po sa ipinalabas na kautusan ang kataas taasang hukuman.

Sana po ay huwag na nating linlangin ang mga residente ng Makati. Tila maging ang Korte Suprema ay kinakasangkapan sa propaganda.

Kapag ang Supreme Court ay nagtakda ng final ruling “it becomes the law of the land”. Nagiging batas na kailangan sundin ng sinuman. Ang hindi sumunud dito ay maaaring kasuhan ng contempt of court na may karampatang parusa na multa at pagkakakulong.

Huwag na lang sanang paulit ulit sabihin ni Mayor Binay na tuloy ang laban ng Makati sa territorial dispute kahit pa mayroon nang final and executory ruling ang SC dahil ito ay malinaw na paglabag sa batas. Otherwise, maaaaring mawala sa kanya ang support at “public trust” na napakahalaga sa isang opisyal ng pamahalaan.

Lubhang mahalaga na ang lahat ng public official ay sumusunod sa batas at iginagalang ang desisyon ng hudikatura.

Ang 30 taong territorial dispute ng Makati at Taguig ay tinuldukan na ng SC. Itinakda na ang kinukuwestiyong teritoryo ay nasa legal na hurisdiskyon ng Taguig base na rin sa historical evidence, cadastral survey at contemporaneous acts of lawful authorities o mga pangyayari noong nakaraan.

Sinabi ni SC Spokesman Hosaka na nagkaroon na ng Entry of Judgement sa Civil Case No 63896- anumang tangka ng Makati City na buhayin ang territorial dispute sa pamamagitan ng paghahain ng anumang pleadings, letters, motion o anumag komunikasyon kaugnay sa kaso ay hindi na tatanggapin pa ng Korte Suprema.

Iwasan na rin sanang palabasin ni Mayor Binay na hindi pa tapos ang laban dahil mayroong raw itinakdang oral argument ang SC para sa kaso ng Taguig at Makati pero wala naman pala. Ni Dong Delos Reyes

AUTHOR PROFILE