
PASTILLAS SCAM AT MAGASPANG NA UGALI NG BI OFFICER SA AIRPORT
KINATIGAN ng Court of Appeals (CA) 5th Division ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman para sa kasong administratibo sa apat na dating empleyado ng Bureau of Immigration Travel Control and Enforcement Unit (BI-TCUE).
Ang apat na ito ay sina Chevy Chase Naniong, Deon Albao, Danieve Binsol at si Fidel Mendoza. Kabilang sila sa sinasabing sangkot sa Pastillas Scam na pinagpiyestahan sa Senado kamakailan.
Grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service ang naging hatol sa kanila matapos tanggihan ang apela ng mga ito sa kanilang Petition for Review na isinampa sa CA.
Para sa kaalaman ng lahat, ang hatol na grave misconduct and prejudicial to the interest of the service ay may pataw na dismissal from the service sa sinumang government employees na may asuntong administratibo.
Sa 28-pahinang desisyon ng CA ay sinusugan nito ang unang desisyon ng Ombudsman kay dating Port Operations Division Chief Grifton S. Medina na mula sa dismissal from the service ay bumaba lamang ng “simple neglect of duty” at kinailangan na mag-serve lang ito ng anim na buwang suspension.
Hunyo noong nakaraang taon ay hinatulan ng Ombudsman ang 45 na BI employees ng “dismissal or termination” matapos mapatunayan na sila’y pagbintangan sa mainit na usapin tungkol sa pastillas bribery scandal.
Bagamat maaari pang umabot ang kanilang apela sa Kataas-taasang Hukuman (Supreme Court), pinaniniwalaan na bibilang pa ito ng mahabang panahon bago muli tuluyang desisyunan,
Sa ngayon ay naghihintay pa ng desisyon ng CA ang mga natitira pang na-involved sa nasabing kaso.
Samantala, hindi lang naman tungkol sa pastillas ang kadalasan nagiging problema ng mga tauhan ng ilang ahensya ng gobyerno sa paliparan partikular diyan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Number 1 sa listahan ang discourtesy o kawalang-galang na ipinapa-malas ng mga ito sa mga pasahero. Marami rin sa mga ito ang mahilig mag-power-trip o magpakita ng kagaspangan ng ugali, lalo pa kung ang kaharap nila ay mga Pinoy o turista na alam nilang hindi ganun kalaki ang pera sa bulsang dala.
Sa bagay na ito ay madalas na mga Primary Inspectors sa mga immigration counters ang kinakikitaan ng ganitong pagu-ugali.
Isa na rito ang karanasan ng isang pasaherong Fil-Japanese national na nakatakda sanang lumabas ng bansa.
Nagmula ang masamang experience ng Fil-Jap nang bigla raw ibinato sa harap ni Shotaro Nakano ang kanyang pasaporte matapos makita ng isang IO na nakakabit pa ang passport cover ng kanyang dalawang pasaporte (Philippines and Japanese passport) ng nabiglang si Nakano.
Sarkastiko rin itong nagtanong sa pasahero kung bakit hindi nito nai-downgrade ang kanyang 9F visa bago pa ito umalis ng bansa.
Dahil sa kalituhan ay tinangka raw ng pasahero na gamitin ang kanyang mobile phone upang tumawag at magtanong sa ahensya na nag-asikaso ng kanyang dokumento ngunit mariin daw itong binulyawan ng naturang IO at sinabihan na, “Sino ang tatawagan mo? Bawal ang cellphone dito!”
Kesehodang may lapses pagdating sa demeanor ng ilang pasahero, siguro ay dulot ito ng kanilang nerbiyos kapag humaharap sa mga immigration officers.
Gayunpaman, simpleng bagay para mamuhunan ng kapiranggot na pasensya hindi po ba?
Mahirap bang ibigay ang karapat-dapat na “courtesy” para sa mga dayuhang turista gaya ni Nakano?
Paano magiging epektibo ang ngayon pa lang na pino-promote na “Love the Philippines” kung sa airport pa lang ay ganitong klaseng attitude na ang ipasa-salubong ng mga opisyales natin sa airport?
Para kay IO, may panahon pa naman siguro siya para magbago ng pakikitungo sa mga pasahero.
Gusto kong linawin na hindi ito paninira sa kanya dahil personal itong sumbong sa inyong lingkod ng biktima.
Dapat ay tanggapan niya ito bilang ‘constructive criticism.’
Ang alam ko kasi ay nagsumite na ng kanyang formal complaint kay BI Commissioner Norman Tansingco ang biktima.
Bukas din ang ating pitak para sa anumang paliwanag ng nasabing IO.