Paslit, ‘iniluwa’ ng dagat

May 2, 2022 Jonjon Reyes 140 views

BINUBUSISI ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) kung dapat managot ang mga magulang ng dalawang taong gulang na babae matapos “iluwa” ng dagat sakop ng Pier 18 Riverside sa Barangay 101 Vitas, Tondo kamakailan.

Nakilala ang biktimang si Michelle Alagiña, residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat na isinumiti ni Det. Jansen Rey San Pedro at Det. Dennis Suba kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD-Homicide Section, bandang 3:10 ng hapon nang makatanggap ang kanilang opisina ng tawag hinggil sa natagpuang paslit.

Ang nasabing paslit ay naidala pa sa Tondo General Hospital subalit hindi na naisalba ng mga manggamot at idineklarang patay dakong 2:50 ng hapon.

Ayon sa isang Antonio Mondragon, habang naglalakad sa tabi ng dagat ay namataan nito ang biktima na palutang-lutang sa tabi ng kanilang bahay.

Agad nitong tumalon para sagipin sa pagkakalunod ang paslit at saka nila ito isinugod sa nasabing pagamutan.

Lumitaw sa imbestigsyon na nagsosolo lamang ang biktima na naglalaro sa labas ng bahay habang ang ama nito’y nasa trabaho bilang karpintero.

Hinala ng pulisya, naglalaro ang paslit, nadulas at nahulog sa tubig.

AUTHOR PROFILE