Default Thumbnail

Paslit, 6, iniluwa ng Manila Bay sa Baseco

July 18, 2022 Jonjon Reyes 363 views

HINIHINALANG nadulas at nawalan ng balanse saka nahulog sa dagat ang isang 6-anyos na batang lalaki, Linggo ng hapon sa Block 1 Aplaya Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, Maynila

Kinilala ang biktimang si John Raven Junio, residente ng Staging Area, Bgy. 649, Baseco Compound Port Area, Maynila.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng Manila Police District (MPD)-Baseco Police Station 13 pasado alas-3:45 ng hapon nang makatanggap ng ulat sa pagkakadiskubre sa paslit sa nasabing lugar.

Agad iniutos ni Borbe sa kanyang mga tauhan na ikordon ang lugar saka ipagbigay alam sa tanggapan ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD-Homicide Section at dito na nagresponde sina Det. Teody Siguen at Det. Dennis Suba.

Isang dalagita ang nagbigay ng salaysay sa pulisya na siyang unang nakakita sa palutang-lutang na bangkay ng biktima.

Suspetsa ng mga pulis, naglalaro sa tabing dagat ang biktima nang madulas at mawalan ng balanse kaya ito’y dumiretso sa dagat at tinangay ng malakas na alon ang biktima.

Patuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat ng pulisya habang ang labi ni paslit ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE