Paslit, 2, dedo sa palo ng yaya

April 22, 2022 Melnie Ragasa-limena 101 views

PATAY ang 2-anyos na batang babae na sinasabing pinagpapalo sa iba’t ibang bahagi ng katawan at inumpog pa ang ulo nito ng kaniyang yaya sa Barangay Culiat, Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.

Agad namang inaresto ang suspek na si Rowena Norodin Daud, 37, may asawa, tubong Purok 6, Tubu, Isabela City, Basilan, Mindanao at stay-in yaya sa tahanan ng biktima sa Libian St., Salam Compound, Bgy. Culiat, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg. Arvien P. Tangan ng Holy Spirit Police Station PS-14 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 3:00 ng hapon Abril 21 nang maganap ang insidente sa tahanan ng paslit.

Sa report, iniwan ni Risma Sarahanga ang anak na si “Baby Sabina” kay Daud upang paalagaan ito dahil magtatrabaho siya bilang domestic helper sa ibang bansa.

Nadiskubre lamang ang ginagawang pagmamaltrato ng suspek sa bata nang makatanggap ng tawag ang mga awtoridad mula sa security personnel ng New Era Hospital kaugnay sa pasyenteng si Baby Sabina na mismong ang yaya pa ang nagdala.

Pagdating ng mga awtoridad sa ospital ay nakita pang isinasalba ng mga attending physician ang buhay ng bata pero kinalaunan ay binawian din ito ng buhay.

Ang biktima ay nakitaan ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at sugat sa ulo na sinasabing posibleng inuntog ng kaniyang yaya sa pader.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong murder at paglabag sa RA 7610.