Taberna

Pasasalamat sa paggaling ni Zoey, highlight ng ‘Press Play’

August 4, 2022 Ian F. Fariñas 351 views

NAGDAOS ng relaunch at milestone event ang Taberna Group of Companies (TGC) na binubuo ng Filipino restoran na Ka Tunying’s, premier events at multimedia company na Outbox Media Powerhouse Corp. at Tune in kay Tunying Youtube Channel na tinawag nilang “Press Play” sa Elements Centris kamakailan.

Nagsilbi rin itong pahiwatig ng pagbabalik ng in-person events na matagal nang hinihintay ng marami.

Noong 2020, sandaling tumigil ang TGC dahil sa Covid-19 lockdowns pero hindi ito tuluyang huminto. Sa kasagsagan ng pandemya ay pinilit ng TGC na magpatuloy ang negosyo.

Layunin ng “Press Play” na ipakita ang pagbabalik ng tatlong brands sa pamamagitan ng paglalahad ng kani-kanilang mga kakayahan at pagdiriwang ng kanilang tuluy-tuloy na panalo sa nakalipas na dalawang taon.

Sa kabila ng paghina ng events industry, matagumpay na nakasabay sa agos ng pagbabago ang Outbox Media sa mga bagong demand ng kanilang larangan tulad ng hybrid events, content creation at digital advertisements.

Ang pag-a-adapt sa trend ay isang patunay sa kahusayan, kalidad ng trabaho at work-play attitude na ibinabahagi ng Outbox Media sa kanilang mga kliyente.

Lalong pinasaya ang okasyon dahil ipagdiriwang rin ang ika-16 na anibersaryo ng kumpanya at ang kaarawan ng managing director at COO nitong si Rossel Taberna.

Engrande ang “Press Play” dahil ito rin ang launching ng Catering by KT, ang bagong catering line ng Ka Tunying’s.

Sa pagdiriwang ng ikapitong anibersaryo ni Ka Tunying next month, dala-dala nito ang bagong misyon na ilapit ang masasarap na baked goods sa bawat Pilipino.

Sa nakalipas na dalawang taon, nakipag-partner ang Ka Tunying’s sa food retail tulad ng All-Day Supermarkets, Divimarts, Puregold at Mini Stop, kung saan available na ang breads and pastries sa buong Luzon.

Successful din ang iba pang business-to-business accounts ng Ka Tunying’s kasama ang ilang kilalang brands tulad ng Geely, Foton, atbp.

Nagkaroon din ng world premiere ang jingle at music video ng Tune In Kay Tunying. Espesyal na kinompose at prinoduce ito ng YouTube sensation na si Ben Barubal kasama sina Verse 1 at Evs.

Sa kabila ng pagsasara ng kanyang home network, patuloy ang pag-angat ni Anthony Taberna sa digital world nang simulan niya ang career bilang YouTuber noong 2020.

Meron na siyang 2.2 million followers sa Facebook habang ang kanyang YouTube Channel naman ay may halos 600,000 subscribers. Ngayong taon, sinimulan na rin ni Ka Tunying ang sariling Tiktok account.

Ang pinaka-highlight ng all-in-one event ay ang pasasalamat sa paggaling ng panganay na anak nilang si Zoey laban sa cancer.

Ikwinento ni Zoey kung paano nalampasan ng pamilya ang napakalaking hamon. Bumuhos ang pagmamahal at suporta sa mga Taberna mula sa iba’t ibang parte ng mundo.

AUTHOR PROFILE