Robert Nazal

PASAHERO pasok sa ‘winning circle’ sa latest survey

February 19, 2022 People's Tonight 84 views

IKINATUWA ng PASAHERO ang pagkakabilang sa top party-list groups na posibleng magwagi sa darating na eleksyon sa Mayo. Ito ay base sa isinagawang survey ng RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) kamakailan.

Sa survey ng RPMD na isinagawa noong Enero 22 hanggang Enero 30, nakakuha ng 1.33 percent ang PASAHERO party-list, sapat upang makakuha ng puwesto ang grupo sa Kongreso

“Ang latest na survey result na ito ay lalo pang magbibigay motibasyon sa buong partido na ipaliwanag ang aming mga adhikain at adbokasiya,” ayon kay PASAHERO founder Robert Nazal.

Dahil dito, pinasalamatan ni Nazal ang publiko sa suportang ibinibigay ng mga ito sa PASAHERO at nangakong mas pagbubutihin pa nila ang pagsisilbi sakaling opisyal na mahalal, upang patunayan na hindi nagkamali ang mga botante sa pagpili sa kanilang partido.

“Ito ang inspirasyon namin ngayon – ang tiwala ng ating nga kababayan. Kaya nagsisikap kaming mas mapalakas pa ang aming kampanya sa pamamagitang ng pagsusulong sa aming mga programa at mga plano para sa kapakanan ng mas nakararaming Pilipino,” dagdag pa ni Nazal.

Sinabi naman ni PASAHERO co-founder Allan Yap na sa kabila ng magandang resulta ng survey, hindi pa rin aniya kailangang maging kampante ang kanilang partido. Bagkus, aniya, mas kailangan pa nilang paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa publiko upang maiparating ang kanilang magagandang layunin para sa sektor na kanilang ikinakatawan.

Mababatid na tumatakbo ngayon bilang party-list ang PASAHERO upang magkaroon ng tunay na kinatawan ang mga mananakay, gayundin ang mga miyembro ng tricycle operators and drivers association (TODA) sa buong bansa.

Nangunguna sa kanilang plataporma ang pagsigurong papasa at maisabatas na ang matagal nang isinusulong na Magna Carta of Commuters o ang Commuters Bill of Rights.

Nilalayon ng naturang Magna Carta na pagtibayin ang mga karapatan ng commuting public tulad ng karapatang magkaroon ng ligtas na byahe; karapatang humiling ng malinis na transportasyon; karapatan na bigyan ng kaukulang atensyon sa sandaling dumanas ng service breakdowns at ang karapatan sa mga impormasyong may kinalaman sa ligtas at maginhawang pagbibiyahe.

Naniniwala ang PASAHERO na kailangang isa rin sa mga prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan at kaginhawan ng riding public upang matiyak na walang daranasing aberya ang mga ito.

Isa rin sa isinusulong ngayon ng partido ang karapatan ng TODA members na kabilang sa tinatawag na “tatlong gulong” sector sapagkat sila ang dumanas at patuloy na dumaranas nang pinakamatinding hagupit ng pandemya.

Matatandaan na kamakailan lamang, nagtungo ang PASAHERO sa mga tanggapan ng Department of Transportation at ng Land Transportation Office upang ipaabot sa mga kinauukulan ang hinaing ng TODA organizations na ipinabatid sa kanila sa mga nakalipas na konsultasyon nitong mga nakaraang buwan.

Bilang kinatawan ng TODA, hinimok ng PASAHERO ang transport authorities na palawigin nang hanggang anim na buwan ang bisa ng driver’s license at ang motor vehicle certificate of registration ng drivers and operators ng public utility tricycles gayundin ng jeepney drivers.

Dagdag pa rito, hiniling din ng PASAHERO ang pag-update sa license testing para sa tricycle drivers at pagrepaso sa special fee rate na ipinapataw sa mga tsuper ng public three-wheeled vehicles.

Ayon sa kanilang kahilingan, malaking tulong ang anim na buwang palugit upang mabawasan ang suliraning pinansiyal ng mga kaawa-awang tricycle drivers and operators na tinamaan nang husto ng epekto ng pandemya.

AUTHOR PROFILE