Alinsug

Pasahero Party-List sa MRT, LRT, PNR: Pinahusay na accessibility sa PWDs ibigay

January 6, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 188 views

MAS paborableng accessibility para sa mga may kapansanang commuter ng rail transit systems sa Kamaynilaan, dapat pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan.

Ito ang panawagan ngayon ng PASAHERO Party-list sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalitang si Atty. Homer Alinsug.

Ayon kay Alinsug, hindi masasabing inclusive at accessible ang rail transport kung hindi naman nito nabibigyan nang maayos na serbisyo ang mga may kapansanan at ang iba pang mga mananakay na may special needs.

“Hindi inclusive ang rail transport natin kung walang improvement sa accessibility ng train travel para sa PWDs,” ani Alinsug sa kanyang panawagan sa Metro Manila Rail Transit System (MRT), Manila Light Rail Transit System (LRT) at sa Philippine National Railways (PNR).

Reaksyon ito ng grupo ng PASAHERO matapos mag-viral sa social media ang isang PWD na nagpapakahirap umakyat sa hagdan ng LRT Recto Station habang hawak ng dalawang security guard ang kanyang wheelchair.

“Kaya minsan, nagdadalawang-isip ang PWDs natin na gumamit ng rail transport system natin, kasi nga, nararanasan nila ang ganitong hirap,” ani Alinsug.

Isa sa pinaka-matinding reklamo ng physically-challenged passengers ay ang madalas na pagkasira ng elevators o ramps sa mga train station.

Liban sa mga PWD, sinabi ni Alinsug na napakahalaga rin para sa mga nakatatanda, mga maliliit na bata at mga buntis ang maayos na serbisyo ng naturang transportasyon.

AUTHOR PROFILE