PASAHERO Party-list: Commuters dapat pa ring mag-ingat vs COVID

November 2, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 65 views

Sa kabila ng pagluluwag sa PUVs:

KAHIT nakikita nating nagluluwag na ang gobyerno sa ilang sektor dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID sa bansa, dapat pa ring magkaroon tayo ng strict compliance sa health and safety protocols.

Ganito pinaalalahanan ng PASAHERO Party-list ang mga commuters lalo na ang mga pasahero ng jeep matapos, ipag-utos ng pamahalaan na daragdagan na ang seating capacity ng mga PUV, partikular sa Metro Manila at ilang karatig probinsya.

“Masaya tayo sa bagong direktibang ito ng gobyerno dahil kahit paano, matutulungan nito ang mga commuters natin. Mula kasi nang magpatupad ng limited capacity ang mga jeep, marami na sa mga pasahero natin ang nahihirapang makasakay. Pero paalala lang po, huwag natin isantabi ang pagsunod sa health protocols dahil nandito pa rin ang COVID-19,” ayon sa tagapagsalita ng naturang party-list na Atty. Homer Alinsug.

Aniya, dapat pa ring paalalahanan ng gobyerno ang commuting public na patuloy sa pag-iingat. Kabilang sa mga lugar kung saan itinaas sa 70 porsyento ang seating capacity ng PUVs tulad ng jeep at bus ay ang mga rutang tumatakbo sa NCR at sa mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna. Magsisimula ang implementasyon nito sa Huwebes, Nobyembre 4.

Pagdidiin pa ni Alinsug, kasabay ng magandang hakbang na ito ng gobyerno, ay ang patuloy na pagpapaalala sa publiko na huwag magpabaya at manatiling sumunod sa mga alituntunin kontra COVID.

Kabilang sa mga suhestiyon ng grupong PASAHERO upang mapanatiling ligtas ang mga mananakay ay ang palagiang pagdi-disinfect ng PUVs at ng kanilang mga terminal, at ang mahigpit pa ring pagpapatupad ng health protocols.

Ayon pa kay Alinsug, dapat pa ring magsuot ng facemask at face shields at ipatupad pa rin ang physical distancing sa kabila ng bagong implementasyon. Malaki aniya ang papel na ginagampanan ng commuters sa paggalaw ng ekonomiya, kaya’t nararapat lamang na gawin pa ring prayoridad ang kanilang kaligtasan.

Ang PASAHERO o ang Passengers and Riders Organization Inc., ay isang partylist group na kumakatawan sa mga commuters, at kamakailan lamang ay idineklara ng Comelec bilang lehitimong grupo na maaaring kumandidato sa darating na halalan sa Mayo 2022.

AUTHOR PROFILE