Pasahero PASAHERO PARTY-LIST INENDORSO NG NCR TODA — Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang PASAHERO Partylist at ang National Capital Region Tricycle Operators and Drivers Association (NCR-TODA) Coalition upang pormal na ilunsad ang kanilang alyansa para sa nalalapit na eleksyon sa Mayo. Suportado ng 150,000-strong NCRTODA ang kandidatura ng PASAHERO PARTY-LIST bilang kinatawan ng milyun-milyong commuters at TODA members sa iba’t ibang panig ng bansa. Lumagda sa MOA sina Atty. Homer Alinsug, tagapagsalita ng PASAHERO PARTY-LIST at sina NCR TODA Coalition president Ismael “Ace” Sevilla, kasama ang 13 iba pang TODA federations sa Metro Manila. Naganap ang MOA signing nitong nakalipas na Miyerkules sa Taguig City at live na napanood sa Facebook.

Pasahero inendorso ng Metro Manila trike coalition

January 26, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 534 views

Mas pinalakas ang puwersa:

TIYAK na ang solidong suporta ng iba’t ibang organisasyon ng tricycle operators and drivers association (TODA) federations sa National Capital Region (NCR) sa kandidatura ng PASAHERO Party-list, bilang kinatawan ng mga drayber at mananakay sa kongreso.

Ito ang napag-alaman mula kay PASAHERO party-list spokesperson Atty. Homer Alinsug na kabilang sa mga lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) nitong Huwebes, sa pagitan ng kanilang partido at ni NCR TODA Coalition president Ismael “Ace” Sevilla. Kasama rin sa MOA signing ang 13 iba pang TODA federations mula sa iba’t ibang panig ng Kalakhang Maynila. Ang naturang MOA ay hindi lamang nangangahulugan ng pag-endorso ng organisasyon sa PASAHERO party-list, kundi opisyal na pakikipagkaisa sa partido sa kanilang pagtakbo sa darating na Mayo.

Mababatid na ang NCR TODA Coalition ay may tinatayang 150,000 members mula sa 17 localities sa Metro Manila.

Ayon sa nilalaman ng MOA, nagkasundo ang PASAHERO party-list at ang NCR TODA na magtulungan upang masigurong mahalal sa darating na eleksyon ang tunay na kakatawan sa karapatan at interes ng tricycle drivers and operators.

Sa sandaling magwagi ang partido, ayon pa rin sa kasunduan, patuloy ang kanilang partnership upang tuluy-tuloy din ang pagsusulong sa kapakanan ng TODA at sa karapatan ng bawat miyembro nito sa Kongreso.

Ani Alinsug, ang pag-endorso at pakikipag-alyansa sa kanila ng NCR TODA Coalition ay lalong magpapalakas sa kandidatura ng PASAHERO party-list.

“Taos-puso po tayong nagpapasalamat sa NCR TODA Coalition sa kanilang pag-endorso at pagsuporta sa PASAHERO Party-list. Umaasa po kami na magpapatuloy ang pagkakaisa at pagtutulungang ito para sa kapakanan ng ating tricycle drivers and operators na aming isusulong sa Kongreso, sa sandaling magwagi ang aming partido sa darating na eleksyon,” saad ni Alinsug.

Sinabi naman ni Sevilla na sa lahat ng party-list groups na humingi ng suporta ng NCR TODA, tanging ang PASAHERO lamang ang kinakitaan nila ng sinseridad sa pagtulong sa tricycle sector.

Aniya, bitbit ng PASAHERO sa kanilang mga adbokasiya ang mga nilalayon ng kanilang organisasyon.

“Sa lahat ng party-list group na lumapit sa amin at naglatag ng plataporma, itong PASAHERO lang ang nakitaan namin ng pagkakahawig o pagkakapareho sa aming adbokasiya,” ayon kay Sevilla.

Kabilang sa mga lumagda sa MOA sina TODA federation presidents Gardy Geronimo (Taguig City, 1st District), Sonny Ferrer (Taguig City, 2nd District), Alvin Niebres (Makati City), Homer Jalandoni (Muntinlupa City), Armando Airan Jr. (Pateros), Marcelnino Copia (Parañaque City), Reynaldo Bautista (Las Piñas), Mar Sorreda (Pasig City), Ofelia Granado (Manila), Emmanuel Aldana (Caloocan City, 2nd District), Alfredo Severa (San Juan City), Cornelio Baylon (Valenzuela City), at Arnel Andres (Parañaque City).

Lumagda rin sa MOA bilang witnesses ang iba pang NCR TODA officials na kinabibilangan nina chairman Pablo Cantoria, Jr.; Ronaldo Vivero, treasurer; Romeo Flores at Hadji Akmad Wahab na kapwa executive officers; Ronaldo Guinto, Vener Obispo at Luther Estrada na pawang board members; at Isagani Bogabel na pangkalahatang kalihim ng NCR-TODA.

Ang PASAHERO, o ang Passengers and Riders Organization Inc., ay isang non-stock, non-profit organization na naglalayong ikatawan sa Kongreso ang mga mananakay sa lahat ng uri ng transportasyon, kabilang na ang tricycle operators and drivers sa buong Pilipinas. Prayoridad ng partido na maresolba ang lahat ng problemang kinakaharap ng sektor at iba pang mass transportation crisis sa bansa.

Nitong nakaraang taon, idineklara ng Commission on Elections ang PASAHERO bilang isang lehitimong party-list group na maaaring kumandidato sa May 2022 general elections.

AUTHOR PROFILE