Default Thumbnail

PASAHERO: Balik-ruta ng prov’l buses sa EDSA

March 27, 2022 People's Tonight 444 views

PINAPURIHAN ng PASAHERO group ang naging hakbang ng gobyerno na ibalik sa normal na operasyon ang mga provincial bus sa EDSA na halos dalawang taon ding nagpahirap sa mga mananakay sa Kalakhang Maynila.

“Malaking kaginhawahan ito sa ating mga kababayan. Dalawang taon ding nagdanas ng matinding pahirap ang atin mga kababayang bumibiyahe papasok at palabas ng Metro Manila dahil nga sa kawalan ng mga bus sa EDSA, kaugnay ng mga ipinatutupad na guidelines ngayong pandemya,” ayon kay PASAHERO founder Robert Nazal.

Reaksyon ito ni Nazal matapos ipahayag ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na magpapatupad sila ng dalawang linggong dry run na magbabalik sa ruta ng mga provincial bus sa EDSA na nagsimula nitong Marso 24.

Ayon sa MMDA, nauna nang pumayag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang Department of Transportation (DOTr) na ibalik ang provincial buses sa EDSA na magsisimula ng alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga. Ito ay matapos mag-expire ang bisa ng uniform travel protocols nitong Marso 24 na nagsimulang ipatupad noong Pebrero 2021.

Kabilang sa mga umani ng papuri mula sa partido ang MMDA, DOTr, at ang LTFRB dahil sa wakas, makagagalaw nang muli ang provincial buses na nagruruta sa EDSA.

Ayon pa kay Nazal, napakahalgang maibalik sa normal ang biyahe ng provincial buses sa EDSA dahil malaking tulong ito sa mga mahihirap na pasahero na wala namang sariling sasakyan.

“Masasabi natin na ang mga kapus-palad na pasaherong patungo at galing probinsya ang tinamaan ng husto ng pandemya dahil wala silang sariling sasakyan,” ani Nazal.

Dagdag pa niya, “Dalawang taon din nilang tiniis ang hirap at pasakit ng paglalakbay papasok at palabas ng Metro Manila.”

Ayon naman kay PASAHERO co-founder Allan Yap, napakahirap ng ipinatupad na sistema para sa mga bus sa EDSA nitong pandemya dahil napipilitan ang mga driver na magbaba ng pasahero sa terminal exchanges na napakalayo sa destinayo ng mga ito. Dahil aniya rito, dumadaan sa ilang ulit na pagsakay ang mga pasahero na liban sa nakapapagod ay mabigat pa sa kanilang bulsa.

“At dahil kasagsagan ng COVID infections noon, lantad na lantad pa sila sa posibilidad na mahawa dahil sa ganoong sistema,” saad pa ni Yap.

Aniya, dahil naibalik na ang provincial buses sa EDSA, napakaraming mananakay ang tiyak na makikinabang, lalo pa’t unti-unti nang nagbubukas ang ekonomiya at nasa Lenten rush ang bansa.

Ang PASAHERO o ang Passengers and Riders Organization Inc., ay isang non-stock and non-profit organization na naglalayong maikatawan sa Kongreso ang mga pasahero ng iba’t ibang transportasyon tulad ng mga sasakyang pandagat, panghimpapawid at panlupa. Kabilang din sa ikakatawan ng partido sa Kamara ang mga tricycle drivers and operators sa buong bansa dahil anila, ang mga ito ang talagang hinagupit nang husto ng pandemya.

Noong Oktubre nang nakaraang taon, idineklara ng Commission on Elections na lehitimong partido ang PASAHERO at maaaring kumandidato bilang partylist group sa pambansang halalan ngayong Mayo 9.

AUTHOR PROFILE