Guadiz

Pasahe sa PUJ dagdag P1

October 3, 2023 Jun I. Legaspi 293 views

SIMULA sa October 8, 2023 (Linggo) may dagdag na piso (P1.00) ang pamasahe sa mga public transportation (jeepney) sa buong bansa, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kasunod ito ng pag-apruba ng (LTFRB) sa inihaing petisyon ng ilang transport group na dagdagan ang pamasahe sa mga pampublikong dyip bunsod ng walang prenong taas-presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pangunguna nina LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, Board Member Engr. Riza Marie Paches, at Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes, dininig Martes ng Ahensya ang petisyon na dagdagan ang pamasahe sa mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) at Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) na inihain ng Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide, Inc. (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).

Kabilang dito ang hirit ng mga naturang grupo na limang pisong taas-pasahe sa unang apat na kilometro at piso para sa mga susunod na kilometro.

Gayunman, sa nasabing pagdinig, tanging ang petisyon na pisong pansamantalang taas-pasahe o provisional fare increase lamang ang inaprubahan ng LTFRB bilang kapwa tugon sa hiling ng mga transport group at hinaing ng mga komyuter.

Ayon kay Chairperson Guadiz, napagdesisyunan ng LTFRB Board na simula sa Linggo, magkakaroon ng karagdagang piso ang minimum fare sa mga TPUJ na magiging labing-tatlong piso habang aakyat naman sa labing-limang piso ang pamasahe sa mga MPUJ sa buong bansa.

“Piso na provisional fare increase lamang po ang inaprubahan natin sa first four kilometres pero wala pong kahit anong dagdag sa succeeding kilometres. Applicable po ito sa modern at traditional public utility jeepney sa buong bansa simula sa October 08,” paglilinaw ni Chairperson Guadiz.

Pinapaalala din aniya sa lahat ng mga operator, tsuper, at komyuter na kinakailangang ipatupad ang nasabing taas-pasahe sa nakatakdang petsa habang dinidinig ng Ahensya ang pangunahing petisyon ng mga nasabing transport group.

Bukod dito, pinaalala rin ng LTFRB sa mga operator at tsuper na ibigay ang mga diskwento para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), estudyante, at iba pa.

AUTHOR PROFILE