Default Thumbnail

Partylist solon natuwa sa total dagdag na P1,000 sa indigent senior citizen pension

January 28, 2023 Zaida I. Delos Reyes 331 views

LABIS na ikinalugod ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na simula ngayon buwan ay maibibigay na ang karagdagang P500 sa buwanang social pension ng mga mahihirap na senior citizens.

Reaksyon ito ni Ordanes sa inanunsiyo ni Sen. Sonny Angara na inendorso nila sa Senado ang P50 bilyong pondo para sa dagdag-pensyon ng tinatayang 4.1 milyong senior citizens.

Ayon sa namumuno sa Senate Committee on Finance nakapaloob sa P5.268 billion 2023 national budget ang karagdagang pensyon.

Magugunita na isinulong ni Ordanes, bilang chairman ng House Special Committee on Senior Citizens, sa Mababang Kapulungan ang panukala para madoble ang buwanang pensyon ng mga mahihirap na nakakatanda sa bansa.

Ipinaglaban din nito na mapondohan sa 2023 national budget ang RA 11916 o ang Social Pension Act na naging batas noong Hulyo 2022.

“Napapanahon ang karagdagang pensyon sa ating mahihirap na lolo at lola dahil makakatulong ito sa kanilang mga pangangailangan, lalo na sa kanilang mga gamot” ani Ordanes,

Sinabi pa ng mambabatas, ang dagdag na pensyon ay munting paraan ng pagpapahalaga at pagkilala sa mga naiambag sa lipunan ng mga nakakatanda.

Sa ngayon, isinusulong naman ni Ordanes ang panukala niya na ‘Universal Social Pension Program for All Senior Citizens’ na ang layon ay magkaroon ng pensyon ang lahat ng nasa edad 60 pataas anuman ang katayuan nila sa buhay.