Default Thumbnail

Parking system sa QC imbestigahan

July 2, 2021 Allan L. Encarnacion 492 views

Allan EncarnacionNOONG nakaraang administrasyon ni Herbert sa QC, ang natatandaan ko may inilabas na kautusang nagsasabi sa mga negosyante na ang katapat ng negosyo mo ay hindi mo sariling parking.

Ibig sabihin, puwedeng magparada kahit sino kahit hindi naman kakain o bibili sa inyo. Gusto nating kumustahin ang kautusang ito kasi maraming negosyante na inaaring kanila ang bangketa or parking space na nasa kanilang harapan.

Iyong iba, nilalagyan ng harang or standee ng pangalan ng kanilang negosyo. Hindi nila papagamit sa iyo ang parking space kung hindi ka rin lang nila customer.

Ang mabigat, iyong iba, nagpapabayad pa kaya nga gusto nating isumbong kay QC Business Permit and Licensing Division Chief Margie Santos ang ganitong kalakaran.

Sa totoo lang, wala pang tatalo sa lot space ng Kyusi sa buong Metro Manila kaya nga magandang magnegosyo rito kumpara sa ibang lugar. Una, malawak ang mga kalsada, lalo na sa pusod ng QC na Timog, West Ave, Quezon Ave, Morato, mga Scout area at kahit pa sa Libis at Katipunan area.

Nakapagtataka kasi kung bakit kailangang magkaroon ng sistema ang mga negosyante na “tapat ko, akin ‘to.”. Isang halimbawa ay ang isang establishment na nasa Morato Extension.

Iyong ibang lugar na open parking, walang bayad pero may mga pinababayaran sila. Average fee ay P30, may binili ka man o wala. Pero kung unavalidated parking ticket, P150ang parking fee. Sa halip na validated ticket ay libre na, para pang may utang na loob ka kasi P30 lang siningil sa iyo.

Tanong, bakit ang paligid ng isang building ay may bayad ang parking gayong kapag sinukat ay QC government ang property line ng mga kalsada at bangketa?

Sa Maynila at Makati, may bayad ang designated parking kapag sa kalye pero sa city government napupunta ang pera. Paano naman sa Kyusi na katulad ng Il Terrazo, sa public area paparada ang customer pero magbabayad ka sa pribado.

Ang totoo, sinasabi sa building code na kung magtatayo ka ng negosyo, dapat ay may parking ka para sa guests. Okey lang iyong magbayad ka sa mga basement or covered parking kasi may investment ang kapitalista doon. Pero iyong pagbayarin sa bangketa na pinaradahan mo, aba’y mukhang may mali. Customer ka na, taxpayer ka pa tapos pagbabayarin ka sa lugar na nagawa dahil sa iyong buwis!

Nanawagan tayo sa bff nating si Ms Santos na rebisahin ang mga business permit ng mga negosyante sa lungsod at tingnan kung kasama sa kanilang mga binayarang lisensiya ang parking space.

Kung wala naman, aba’y ipagamit nang libre sa publiko ang government property. Sige nga Madame Margie, pakisampolan nga sila.

Kilala natin si Ms. Margie, masamang magalit ito, bigla na lang humahawak ng latigo para ihataw sa mga nang-aabusong negosyante!

[email protected]